‘Power Crisis, Ideklara sa Mindanao’

DAHIL SA patuloy na lumalalang sitwasyon ng supply ng kuryente sa Mindanao, nanawagan kay Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang business sector sa Zamboanga City na magdeklara na ng emergemcy power crisis sa  lugar para mapagtuunan na ng pansin at mahanapan ng agarang solusyon sa lumalalang problema.

Sinabi ng presidente ng Zamboanga Chamber of Commerce and Industry (ZCCI) na si Pedro Rufo “Pocholo” Soliven na kailangan ng makialam ang pa-ngulo sa problemang kinakaharap ng Mindanao lalo na ang Zamboanga City.

Ginawa ng mga negosyante ang apela kasunod ng pahayag ni Energy Sec. Jericho Petilla, na magtiis-tiis daw muna ang mga taga-Mindanao hanggang 2015 bago mapatatag ang supply ng kuryente sa rehiyon.

Ani Petilla, magpapatuloy pa ang mga brownout sa Mindanao dahil kulang pa talaga ang supply at produksyon ng kur-yente.

Ipinaliwanag naman ni Soliven na ang Section 71 ng EPIRA Law, nagbibigay ito ng karapatan sa pangulo sa pamamagitan isang joint resolution ng Kongreso na maghanap ng agarang solusyon sa oras na makaranas ng matinding kakulangan sa supply ng kuryente ang isang lugar.

Ang EPIRA Law o Electric Power Industry Reform Act of 2001 ay pinirmahan ni da-ting Pangulong Gloria Mcapagal Arroyo noong ika-8 taong 2001 kung saan layunin ng batas na ito na mas lalong mapaganda ang serbisyo ng supply ng kuryente sa bansa.

Sa kasalukuyan, nagtitiis sa walong oras na black out araw-araw ang buong Zamboanga City.

Kung ikukumpara sa ibang mga lugar sa Mindanao, tanging ang lungsod ang nakakaranas ng ganito katinding brownout.

Sa sitwasyon na ito, lahat ng mga residente ay apektado at malaki rin ang epekto nito sa mga negosyante.

Samantala, nababahala na ang mga mamamayan sa nasabing syudad sa posible pang paglalala ng sitwasyon sa problema sa supply ng elektrisidad dahil nagsisimula na naman ang pag-operate ng mahigit 10 malalaking canning factory sa lungsod ng Zamboanga matapos alisin na ang fishing ban ngayong buwan ng Marso.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.