Position for sale!

MALAKI ANG PROBLEMA ng TV Patrol.
Tulad ng sinasabi natin dito sa mga nakaraang isyu, apektado ang Patrol sa pagbabalik ni Noli de Castro dahil sa credibility issue.

Hindi alam kung kalian pero siguradong matatagalan pa para makabawi si Kabayan.
Ang mahabang panahon na pagkunsinti niya sa mga naging katiwalian nakaraang administrasyon ang malaking kargahin
sa balikat ni Noli.

Sa ngayon, malaki ang ibinagsak ng rating ng Patrol. Nanguna sa karera sa paramihan ng nanonood ang Willing Willie na sinundan ng 24-Oras ng GMA 7.

Third lamang ang rating ng Patrol na dati ay malayung-malayong first.
Posibleng hindi pa umeepekto rito ang Globe Asiatique issue na nagbibigay ng mala-langit at lupang pabor sa may-ari nito noong panahon ni Noli sa Pag-Ibig Funds.

Kapag nagtuluy-tuloy ang pagbagsak ng rating ng Patrol, hindi malayong dahan-dahan na ring aalis ang mga sponsors.    At ito ang ayaw mangyari ni Boss Gabby Lopez.

Malamang ay nakangisi sa isang sulok si Maria Ressa na unang-unang tumututol sa pagbabalik nina Noli at Korina Sanchez sa main news cast.

ITO NAMAN ANG isang malaking problema ni “Penoy” na posibleng magresulta ng kanyang pagiging balut!

Unti-unti nang nagiging matinik ang matuwid na landas na gusto niyang daanan.
Ayon sa isang source, isang  bata ni P-Noy ang nagbukas ng sarili niyang “clearing house.”
Hindi ito clearing ng bangko o kaya’y clearing ng telecommunications.

Clearing house ito para sa mga gustong ma-appoint sa posisyon.

Katunayan, umatake na ang bata ni Noynoy sa pamamagitan ng pagsusubasta ng mga puwesto sa gobyerno.
Naibulong sa atin ng isang source na P15 million ang binayad sa clearing house ng isang Customs appointee plus
guaranteed monthly quota.

Mukhang nagmamadaling makaipon ang bata kaya pati mga posisyon sa gobyerno ay isinusubasta na rin!
ISANG OPISYAL NG Pagcor ang bago pa lamang nakakaporma ay nag-resign na sa puwesto.

Ang dahilan, hindi niya makasundo si Pagcor Chairman Bong Naguiat na umaasta raw Hitler sa kanyang pamamalakad.

Simula na ito ng maaksiyong governance. Abangan.
MARAMI NA RING nangyayaring salamangkahan sa National Food Authority.

Ang mga paboritong kontraktor ng dating administrasyon ay siya pa ring patuloy na nakapoporma sa mga pekeng bidding.

Abangan ang mga ibubunyag nating abrakadabra sa NFA.

ANO ITONG NARIRINIG nating lihim na ngitngit ng AFP officials sa gobyernong Aquino?
Nagkaroon pala ng wholesale bypassing ng mga opisyal ng AFP nang dumaan sa Commission on Appointments.

Okey lang ang ma-bypass sa CA dahil natural naman talaga iyon, lalo na kapag may mga kuwestiyon sa mga credentials ng mga appointees.

Pero ang mabigat sa kalooban ng mga sundalo, hindi sila nabigyan ng reappointments kaya lahat ng ranggo nila ay puro
temporary.

Baka naman hindi pa approve sa 3Gs na silang namamahala sa screening committee?

Teka nga pala, bakit ba may 3Gs na nagdedesisyon kung sino ang dapat ma-appoint sa mga ahensiya ng gobyerno?
Saan kumukuha ng mandato ang 3-GIRLS na ito para diktahan ang mangyayari sa buong bayan?

Kung noong araw, si Mikey Mouse ang malakas mag-appoint, ngayon yata tatlong Minnie Mouse ang naghahari sa mga itinatalaga sa iba’t ibang ahensiya.
Susmaryosep, makasugod nga sa Times Street!
allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion
allanpunglo@yahoo.com

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.