Pork Barrel Scam, Ipinaubaya ni Drilon sa Ombudsman

HINDI SISIYASATIN ng Senado ang pork barrel scam.

Ayon kay Senate President Franklin Drilon, mainam nang ipaubaya sa independent agencies tulad ng Ombudsman ang pagsisiyasat sa umano’y P10 bilyong pork barrel scam, dahil sa conflict of interest lalo’t kabilang ang mga mambabatas sa binibigyan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Oras naman aniyang matapos ang imbestigasyon at kailanganin ng bagong batas kaugnay ng pork barrel, doon papasok ang Senado.

“Kaya ako po, ipaubaya ko na ‘yan sa National Bureau of Investigation (NBI), ipaubaya ko na sa Ombudsman at Department of Justice (DOJ). Patapusin natin sila mag-imbestiga… Pagkatapos, kung sa tingin natin hindi sapat o kailangan ng panukalang batas na dapat itulak, atin pong gawin. Pero sa ngayon, hayaan na natin at ipaubaya na natin sa independent agencies… lalo na po sa Ombudsman dahil ‘yan po ay Constitutional body, walang pwedeng magsabi diyan sa kung anong direksyon ang gagawin sa imbestigasyon.”

Una nang isiniwalat ng whistleblower na si Benhur Luy ang umano’y operasyon ni Janet Lim-Napoles para makakuha ng bahagi ng pork barrel ng mga senador.

Inanunsyo rin kahapon ang mga mamumuno ng iba’t ibang komite sa Senado.

Sinabi ni Drilon na alinsunod sa tradisyon at parliamentary system, karamihan sa mga mamumuno ng komite ay kasapi ng mayorya.

Samantala, kabilang rin aniya sa mga ipa-prayoridad ng Senado ang monopolya sa shipping industry.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.