Pope Francis, Bibisita sa ‘Pinas – Vatican

TILA MAY senyales na mula sa Vatican na bibisita si Pope Francis sa Pilipinas sa taong 2016.

Ito’y matapos ibahagi ni Cebu Archbishop Jose Palma na nakatanggap sila ng mensahe mula Vatican na humiling para mailipat nang mas maaga ang petsa ng International Eucharistic Congress (IEC) na gaganapin sa Cebu City sa Mayo 2016.

Base sa ulat ng CBCP News, binabanggit na sumulat si Archbishop Piero Marini, presidente ng Pontifical Committee on the International Eucharistic Congress, para hilingin na agahan ang pagsasagawa ng IEC sa Cebu dahil may nauna nang kompromiso ang Santo Papa para sa buwan ng Mayo.

Dahil dito, sa halip na isagawa ang IEC sa Mayo 23-29, 2016, gaganapin na lang ito sa Enero 25-31.

Maaalala na sa isang get-together lunch na pinangunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Giuseppe Pinto para sa mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA), muling ipinaabot ni Secretary Albert del Rosario ang imbitasyon ng gobyerno ng Pilipinas para sa Santo Papa.

Ipinaabot na rin noon ni Vice-President Jejomar Binay ang imbitasyon ng bansa sa Santo Papa nang dumalo ito sa inaugural mass sa Vatican City.

Sa panig naman ng Simbahang Katolika, magugunitang una nang inimbitahan nina Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales at Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal si Pope Francis para dumalo sa IEC sa 2016.

Ang Eucharistic Congress ay ginaganap tuwing ika-apat na taon. Huli itong ginanap sa Pilipinas noong 1937.

Huling beses na bumisita ang isang Santo Papa sa Pilipinas noong 1995 sa pagdalo ni Pope John Paul II sa World Youth Day sa Maynila.

Nasa apat hanggang limang milyon ang dumalo sa misa ng Santo Papa dahilan para hirangin ito ng Guinness World Record bilang “Biggest Papal Crowd.”

Samantala, kumpirmado nang dadalo si Pope Francis sa World Youth Day sa Rio de Janeiro, Brazil sa Hulyo ngayong taon. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.