Police Uniform, Papalitan na

PAPALITAN NA ng Philippine National Police ang kulay at disenyo ng uniporme ng mga kapulisan.

Sinabi ni PNP Chief Director General Alan Purisima na nais nilang gawin na mas mapusyaw o light blue ang kulay asul na pang-itaas na polo ng mga alagad ng batas.

Sa ngayon ay navy blue ang kulay ng uniporme ng mga pulis.

Inihayag ni Purisima na gusto nilang gawing mas magaan at malamig sa mata ang kulay ng uniporme, mas convenient gamitin o malambot ang uri ng tela at hindi mainit sa katawan.

Maging ang mga sombrero ng mga pulis ay plano na ring palitan ng PNP.

Sinabi ni Purisima na para makakuha ng ideya sa bagong disenyo ng uniporme ng mga kapulisan  ay nagsagawa ang PNP ng ‘cop walk’ o fashion show ng mga pulis sa Multi Purpose ng Camp Crame kahapon.

Sa naturang ‘cop walk’ ay rumampa ang mga pulis at ipinakita ang iba’t ibang disenyo ng uniporme ng mga pulis kung saan 16 sets ng mga uniporme ang ipinakita na gawa ng iba’t ibang designers.

Kumpleto ito sa mga judges dahil nagsilbi rin itong kumpetisyon sa naturang ‘cop walk’.

Gayunman, nilinaw naman ni Purisima na kung anumang design ang mananalo ay hindi nanga-ngahulugan na ito ang susunding disenyo para maging bagong uniporme ng mga pulis.

Ipinaliwanag rin ni Purisima na kailangan pang plantsahing mabuti hanggang sa mapagkasunduan kung ano ang susunding disenyo.

Samantala, inaasahang sa taong ito ay maisusuot na ng mga alagad ng batas ang bago nilang uniporme.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.