Police station, sinalakay ng npa; 1 patay, 10 sugatan

MASBATE – ISA ANG patay at 10 ang sugatan sa panig ng pamahalaan sa naganap na sagupaan ng mga alagad ng batas laban sa mga rebeldeng NPA sa apat na  magkakahiwalay na lugar matapos na salakayin nito ang istasyon ng pulisya sa bayan ng Mobo kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa paunang ulat ng Camp Boni Serrano, Masbate, ang unang insidente ay naganap bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang salakayin ng hindi pa mabatid na bilang ng mga NPA ang Mobo Municipal Police Station na tumagal ng mahigit isang oras na palitan ng putok na nagresulta ng pagkasugat kina SPO1 Arturo Mendoza, PO2 Antonio Tidon, PO2 Bernardino Altarejos, PO1 Judy Villamor at PO1 Marwin Marcellana.

Nabatid na ang mga nasabing rebelde na nakasuot ng mga camouflage uniform at armado ng matataas na kalibre ng mga baril ay nagpanggap umano na mga miyembro ng Philippine Army (PA), ngunit agad na nagduda si Acting Chief of Police S/INSP Leus Anselmo Prima dahil sa wala umanong coordination o abiso sa kanila ang biglaang pagdating ng mga ito.

Dahil dito, agad na inalerto ni Prima ang kanyang mga tauhan hanggang sa mag-umpisa na ang palitan ng mga putok na sa bandang huli ay napilitang tumakas ang mga rebelde patu-ngo sa kabundukan ng nasabing bayan dala ang kanilang mga kasamahan na  pinaniniwalaang may mga tama din dahil sa natagpuang mga patak ng dugo sa daan matapos ang pangyayari.

Ilang oras lamang, bandang alas-4:30 ng umaga, sumaklolo ang mga elemento ng Masbate Special Task Force  na pinangunahan ni PSI Dennis Balla ngunit pagsapit nila sa tulay ng Sitio Matungaw, Brgy. Tugbo, Masbate City ay biglang sumabog ang landmine na pinaniniwalaang itinanim ng mga rebeldeng NPA bago isinagawa ang pagsalakay, kung saan ay malubhang nasugatan si PO1 Baldwin Huyo-a Odtohan.

Dahil dito, sumaklolo naman si Provincial Director S/Supt Thomas Semeniano galing sa bayan ng Pio V Corpus, ngunit pagsapit nila sa Poblacion 1, Mobo, bandang alas-6:45 ng umaga, bigla ring sumabog ang isa pang landmine na ikinasugat  ng kanyang security escorts na si PO2 Ernie Concepcion matapos itong tamaan ng shrapnel ang kanyang kaliwang kamay.

Kaugnay nito, sumaklolo rin ang 93rd DRC, PA na naka-base sa bayan ng Milagros na pina-

ngunahan ni 1LT Darius, habang sila’y nakasakay sa military truck bandang alas-9:10 umaga, ngunit pagdating nila sa Brgy. Maingaran, Masbate City, sa magkatulad na insidente ay sumabog din ang isa pang landmine na agad na ikinamatay ni PFC Mariel Molaba at sugatan naman sina PFC Henry Maisog, PVT Ryan Barayuga at PVT Jomar Erediano.

Ang mga sugatan ay kasalukuyang ginagamot sa Masbate Provincial Hospital at Masbate Doctors Hospital.

(DADONG BRIONES)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.