Police Station, Hinagisan ng Granada

NAALARMA ANG mga pulis sa isang police station sa Quezon City matapos na hagisan ito ng isang granada kamakalawa ng madaling-araw.

Inihagis ang granada ganap na alas-2:48 ng madaling-araw sa may harapan ng Fairview Police Station na matatagpuan sa kahabaan ng Pearl St., Brgy. Fairview.

Sinabi ni Superintendent Eleazar Matta, hepe ng Fairview Police Station na ang granadang ibinato ay tumama sa salamin ng harapang pintuan ng istasyon at nagdulot ng takot sa kanyang mga tauhan na naka-duty nang natu-rang oras.

Walang nakakita kung sino ang naghagis ng granada, dagdag pa ng opisyal.

Matapos aniya ang paghagis ng granada, narinig na lang ng kanyang mga tauhan ang andar ng motorsiklo na humaharurot papalayo sa kanilang istasyon.

Ayon naman kay Inspector Noel Sublay, hepe ng QCPD-EOD, ang inihagis na granada ay walang lamang pulbura at hindi na sasabog.

Samantala, naniniwala si Sublay na pananakot lamang ang ginawang paghahagis ng granada sa istasyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.