PNP, Todo-Alerto sa Anti-Pork Rally Ngayong Araw

NAKAALERTO ANG mga awtoridad para sa anti-pork barrel protest sa Rizal Park ngayong araw.

Nasa 2,000 libong pulis ang ipakakalat mula sa Rizal Park hanggang sa Mendiola.

Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) PIO Chief Inspector Robert Domingo na matapos sa Luneta sila ay magmamartsa sa Chino Roces.

Una na ring inihayag ng Manila Police District (MPD) na itataas nito ang full alert status hinggil sa naturang protesta.

Ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Supt. Marcelo Garbo Jr., bukod sa mga tauhan ng MPD, mayroon ding augmentation teams mula sa mga presinto ng NCRPO at iba pang police districts na ipakakalat kung kinakailangan.

Tiniyak ni Garbo na laging nakahanda ang NCRPO sa mga ganitong pagtitipon.

Aminado rin siyang hindi matantya ng mga kinauukulan ang bilang ng mga darating sa “A Million People’s March to Luneta” dahil nag-umpisa ang petisyon sa online o sa Internet.

Target ng pagkilos na umabot sa isang milyon ang kalahok na layuning igiit ang pag-abolish sa pork barrel at habulin at papanagutin ang mga sangkot sa kontrobersyal na P10 bilyong pork barrel scam.

Inihayag pa ni Garbo na isa sa mga kakaharapin nilang pagsubok ngayong araw ang pagbibigay ng seguridad dahil walang partikular na grupo kung sino talaga ang organizer ng event.

Inatasan na aniya niya ang mga police district directors na makipag-ugnayan sa ilang lumilitaw na pangalang kalahok sa pagtitipon gayundin sa ilang grupong sasali sa anti-pork barrel rally.

Bukod sa pulisya, magpapakalat din ang lungsod ng Maynila ng 100 traffic personnel at ikinakasa rin ang traffic rerouting sakaling bumuhos ang dadalo.

Samantala, panawagan naman ng namamahala sa Rizal Park sa mga dadalo sa martsa na panatilihin ang katiwasayan sa parke.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.