PNP, Tiniyak ang Kooperasyon sa Kaso Vs 21 Pulis sa Atimonan Rubout

TINIYAK NG pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kooperasyon sa pagdinig ng kasong administratibo at kriminal laban sa 21 pulis na isinasangkot sa Atimonan rubout noong Enero 6.

Ayon kay PNP Chief Supt. Generoso Cerbo, bagama’t hindi pa niya nababasa ang buong report ng National Bureau of Investigastion (NBI), bukas ang kanilang hanay na makipagtulungan saan mang korte iakyat ang kaso.

Sa ngayon aniya, nagsasagawa na ng pagsisiyasat ang kanilang Internal Affairs Service para matukoy ang mga pananagutang administratibo ng mga tauhan ng PNP tulad ng paglabag sa operational procedures at excessive use of force.

Nakakuha na rin aniya sila ng clearance mula sa Malakanyang para sa pagsisiyasat ng panig ng mga sangkot na opisyal tulad ng sinibak na si Calabarzon PNP Regional Director Chief Supt. James Melad.

Gayunman, sinabi ni Cerbo na bukas din sila sa posibilidad na ang Ombudsman ang italaga ng Department of Justice (DOJ) para humawak sa parehong administrative at criminal charges ng 21 pulis, kabilang ang lider ng Atimonan incident na si Supt. Hansel Marantan.

Hihintayin na lamang aniya nila ang magiging kautusan ng DOJ at tiniyak na susunod.

Samantala, tiniyak pa niya sa pamilya ng 13 namatay sa insidente na magiging patas ang pagdinig.

Una nang inilabas ng Palasyo ang report ng NBI kung saan sinasabing rubout ang insidente at inirekomendang kasuhan ng Multiple Murder ang 21 pulis at 14 sundalo.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.