PNP pabor sa National ID System

SANG-AYON ANG Philippine  National Police (PNP) sa isinusulong sa Kamara para pairalin ang National ID System (NIS).

Ayon sa PNP, kung ang pag-uusapan ay ang kampanya kontra kriminalidad, malaki ang maiaambag ng naturang panukala lalo na sa isang kriminal na hinahabol ng batas.

Inihayag ni PNP Spokesman Chief  Supt. Agrimero Cruz, Jr. na sa pamamagitan ng NIS, madali rin nilang matutunton ang isang pinaghahanap ng mga alagad ng batas kahit saan mang lupalop ang mga ito nagtatatago.

Kaugnay nito, pinawi rin ng pulisya ang anumang pangamba partikular sa posibilidad na malabag ng panukala ang pribadong aspeto ng isang indibidwal.

Mga basic information lang naman, ayon sa pulisya ang data na ipapaloob sa ID na karaniwan na ring nakalagay sa mga identification card ng pamahalaan na ginagamit sa transaksiyon gaya ng SSS, GSIS, driver’s license at iba pa.

Punto pa ng PNP, wala namang dapat ikatakot ang isang indibidwal sa pag-iimplementa ng ID system kung wala itong itinatagong masama at atraso sa bayan.

Subok na ayon sa pulisya kung gaano ka-epektibo ang ID system sa mga mayayamang bansa lalo na’t ang pag-uusapan ay kampanya kontra krimen.

Isa na rito ang Singapore na itinuturing na isa sa pinakaligtas na bansa sa buong mundo habang pati ang ilang bansa sa Europa at Inglatera ay sinasabing tagumpay rin ang anti-criminality campaign dahil sa NIS.

(EUNICE CALMA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.