PNP Chief Bartolome, Posibleng Ipalit kay Usec. Puno

 

NAPIPISIL NI Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na ipalit si Philippine National Police (PNP) chief Dir. Nicanor Bartolome kay Rico Puno bilang bagong undersecretary ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ayon sa pangulo na nasa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders Meeting sa Vladivostok, Russia, kinumpirma nitong papaalis na ang naturang opisyal sa DILG.

Gayunman, hindi pa rin malinaw kung ililipat lang ba ito sa iba pang ahensiya ng gobyerno o tuluyan nang iiwan ang gabinete ng pangulo.

Tatanungin niya muna si Puno kung nanaisin pa nitong umupo sa ibang ahensiya, sa gitna ng mga kontrobersiyang kinakasangkutan ng huli, ani P-Noy.

Maaalalang napaulat na pinaiimbestigahan ng yumaong DILG Sec. Jesse Robredo ang nasabing opisyal, na sangkot umano sa maanomalyang gun deal, ilang araw bago bumagsak ang eroplano nito sa Masbate.

Naging kontrobersiyal din ang pangalan ni Puno nang mapabalita ang tangka nitong pagpasok sa condominium ni Robredo sa Quezon City, isang araw matapos ang aksidente.

Binigyan naman si Bartolome ng panahon ng pangulo upang makapag-isip kung tatanggapin nito ang alok na maging bagong DILG usec.

Samantala, sa Marso ng susunod na taon pa sana magreretiro si Bartolome bilang PNP chief.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.