PNoy, tinira si Capa

SA KABILA nang pa-ngunguna ni Senior Superintendent Conrad Capa sa pagdakip sa negosyanteng si Delfin Lee, hindi siya kabilang sa mga pinaranganalan ni Pangulong Noynoy Aquino III.

Hindi nakatanggap ng papuri ang nasabing pulis kahit na ang kanyang mga kasamahan sa Task Force Tugis na sina Chief Inspector Rafael Lero, Senior Police Officer Dante Cabalquinto at Police Officer Eugene Amoyo ay kinilala ng punong ehekutibo.

Hindi man inihayag ni Pangulong Aquino ang pangalan ni Capa, tinira ng Pangulo ang pagre-reklamo ng pulis nang italaga sa ibang lugar matapos masakote si Lee.

“Lately, we have had an issue of a person who refused to take a new assignment. Matanong ko lang ho kayo, p’wede ho ba tayong mamili ng assignment?” ayon sa pangulo sa harap ng mga kasapi ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame.

Isang linggo matapos pamunuan ni Capa ang pag-aresto kay Globe Asiatique Realty Holdings Corp. president na si Lee, itinalaga siya ni PNP Chief Director General Alan Purisima sa Central Visayas bilang ikatlong pinakamataas na opisyal. Iginiit pa ni Purisima na ito ang daan para makakuha siya ng mas mataas na rango.

Hindi ikinatuwa ng Pangulong Aquino ang pagsusumbong ni Capa sa media.

“Ididiin ko lang po, dito sa napakaingay na opisyal na ito, sabihin na nating magaling siya. Siyempre ang tanong doon maasahan ba [siya]? At tila ang sagot na pangkaraniwan doon, eh maasahan natin siya kung matutuwa siya. Eh, kung ‘di siya natutuwa, eh ‘di hindi na natin siya maasahan. ‘Yun ba ang propesyunal?”

Ayon pa kay PNoy, ipinahamak ni Capa ang PNP sa pagsusumbong sa media.

“Pinahamak niya ang institution na pagkatagal-tagal ng buhay niya ay pinaglingkuran niya,” sabi ng pangulo.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.