PNoy, Tinanggap ang Pagbibitiw ni LWUA Chief Villa

TINANGGAP NI Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang ginawang pagbibitiw ng isa pang opisyal ng gobyerno na isinasangkot sa multi-bilyong pork barrel fund scam.
Kinumpirma ni Presidential Communications Operations Office Secretary Sonny Coloma na tinanggap ng punong ehekutibo ang pagbibitiw sa pwesto ni Rene Villa bilang acting chairman ng Local Water Utilities Administration (LWUA).
Tahimik naman ang Palasyo kung may kinalaman ang pagbibitiw ni Villa sa pagkakaugnay sa kanya sa kontrobersya ng priority development assistance fund (PDAF).
Personal aniyang desisyon ni Villa ang pag-alis sa tungkulin.
“Tinanggap naman po ito ng ating Pangulo na may kalakip na pasasalamat sa kanyang paglilingkod,” ayon kay Coloma.
Hihintayin pa aniya ang rekomendasyon ni Department of Public Work and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson sa Pangulong Aquino para sa ipapalit sa nabakanteng posisyon simula pa noong Nobyembre 30.
Maaalala na sa isang panayam, una nang nilinaw ni Villa na hindi siya dawit sa PDAF scam.
Samantala, apat na taong nagsilbing abogado si Villa ng tinaguriang reyna ng pork barrel fund scam na si Janet Lim-Napoles mula 2006, isang taon matapos magbitiw bilang kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR).

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.