PNoy, nag-walkout sa disaster meeting

NAG-WALKOUT SI Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa isang pagpupulong hinggil sa pananalasa ng Bagyong Yolanda sa Tacloban City, Leyte.

Unang nadismaya at kinuwestyon ng pangulo ang ulat ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Eduardo del Rosario na 95% ng Tacloban ang “devastated” o nawasak dahil sa kalamidad.

Hiningan din siya ng punong ehekutibo ng batayan sa tantiyang ito.

Itinuro pa ng Pangulong Aquino ang gusali ng Tacloban City Jail na nasira ang bubong at tinanong kung paano ito ikinukonsidera ng NDRRMC.

Ayon kay Del Rosario, isa itong “minor devastation”. Pero tugon ni PNoy, walang bagay na tinatawag na “minor devastation” at dapat na magkaroon ng mas malinaw na basehan ang NDRRMC sa paglalabas ng report.

“I’m running out of patience,” sabi pa ni PNoy.

Sunod nito, isang lala-king negosyante naman ang tumayo at umapela sa presidente hinggil sa looting o pag-atake at pag-aagawan ng mga residente sa laman ng mga pamilihan at iba pang establisyimento.

Hiling nito, ikonsidera ang martial law o state of emergency.

Ayon sa pangulo, pag-aaralan niya ito sabay paalalang wala ito sa Saligang Batas.

Nagpumilit naman ang lalaki at iginiit na nagkakagulo na sa Tacloban. Dagdag pa ng kasamahan niya, nagkakapatayan na.

Tinanong ng Pangulong Aquino kung ano ang patunay nito sa nasabing pahayag. Sagot nito, pinaputukan siya ng baril habang papunta sa police station.

“Buhay ka pa naman, a!” Aniya, hindi porke’t naranasan ng isa ay nararanasan na rin ng karamihan sa mga residente, ani PNoy.

Sunod nito, namagitan na ang Presidential Security Group (PSG) at kinausap na lamang ang negosyante at kasamahan nito.

Pumasok na rin si Brigadier Gen. Jet Belarmino para mag-ulat, pero pinutol ito ng pangulo at kinausap na hindi naman narinig ng media.

Matapos ito, tumayo na ang punong ehekutibo, itinaas ang dalawang kamay saka pumasok sa Tacloban City Police Station.

Samantala, makalipas ang ilang sandali, bumalik din si Pangulong Aquino sa nabanggit na pagpupulong.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.