PNoy, kinasuhan sa Ombudsman

KINASUHAN NA ng plunder si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa Ombudsman dahil sa umano’y maanomalyang pagpapalabas sa P125 milyong Malampaya Funds.

Sangkot din sa nasabing kaso sina Janet-Lim Napoles, Budget Secretary Butch Abad, Agrarian Reform Sec. Virgilio Delos Reyes at siyam na iba pa.

Base sa 16-pahinang reklamo, iginiit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na ilegal ang pag-apruba ng Pangulong Aquino sa pagpapalabas ng pondo sa Department of Agrarian Reform (DAR) para sa mga bogus na non-government organization (NGO) ni Napoles.

Katuwiran nila, para lamang sa energy-related projects ang pondo mula sa Malampaya.

Bahagi pa ng naturang reklamo, “The President and respondent public officials of the DBM, they should know and should have known that the Malampaya Funds were earmarked for energy development or energy-related projects. But despite such fact, they approved the release of the funds to the DAR, which is in no way engaged in energy development.”

Kabilang naman sa complainants sina KMP Chairperson Rafael Mariano, KMP Deputy Secretary General Wilfredo Marbella at Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) Spokesperson Nestor Villanueva.

Matatandaan na ito ang ikalawang plunder case na inihain ng KMP laban sa punong ehekutibo matapos ang naunang kaso hinggil sa pork barrel fund scam.

Inirerespeto naman ng Palasyo ang panibagong kasong plunder laban kay PNoy.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na marapat na may ipakitang matitibay na ebidensya ang KMP sa nasabing kaso.

Samantala, ipinaalala rin niya ang immunity from suit ng pangulo sabay payong hintayin na lamang itong bumaba sa puwesto.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.