PNoy, Inaming Iligal ang DAP – VACC

BINATIKOS NG grupong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang naging pahayag ni Solicitor General Francis Jardeleza na ibinasura na ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).

Sinabi ni VACC Chairman Dante Jimenez na bagama’t patuloy na iginigiit ng pamahalaan na naaayon sa Konstitusyon ang DAP, maituturing na pag-amin sa ilegalidad nito ang inihayag ni Jardeleza, na sinuportahan pa aniya ni Budget Secretary Butch Abad.

“Nung narinig namin ‘yung last statement ni Secretary Abad ng Department of Budget and Management na ite-terminate na ang Disbursement Acceleration Program na inimbento ng Malakanyang… kami po’y natuwa, but you see, it is just an admission of guilt.”

“Para bang sinabi na, ‘Pinatay ko, sorry na lang.’”

Maaalala na isa ang VACC sa mga dumulog sa Korte Suprema para ideklarang unconstitutional ang DAP.

Kasama rin ang nasabing grupo sa mga dumalo sa oral arguments, kamakailan.

Binanatan din naman ni Jimenez ang pahayag ni Jardeleza na aprubado ng Pangulo ang lahat ng pinaggamitan ng DAP.

Samantala, pinuri naman ng VACC ang pagbusisi ng Supreme Court (SC) sa panig ng gobyerno sa nakaraang oral arguments, sabay himok sa taumbayan na subaybayan din ang pagdinig kung saan sunod na haharap ang mga mambabatas.

Sinabi pa ni Jimenez na pinag-aaralan nila kung paano bubuweltahan ang kasalukuyang administrasyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.