PNoy, Idinepensa ang Paggamit sa PSF

MATAPOS ANG ilang araw nang pagtatanggol ng kanyang mga tagapagsalita at ng Department of Budget and Management, mismong ang Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquno III na ang dumipensa sa paggamit ng President’s Social Fund (PSF).

Ito ay sa harap na rin ng malawakang panawagan sa pagbuwag sa pork barrel fund ng mga mambabatas gayundin sa social fund ng Pangulo na bersyon din ng pork barrel.

Base sa naging panayam ng mga mamamahayag matapos ang 8th East Asia Conference on Competition, Law and Policy sa Pasay City, sinabi ng Pangulong Aquino na ang PSF ang pinagkukunan niya ng tulong pinansyal sa mga pamilya ng mga sundalo o pulis na nasawi o nasugatan sa laban maging pangtulong medikal sa mga nangangailangan.

Tiniyak naman niyang maingat ang paggamit niya ng PSF.

Inatasan pa ni PNoy ang Presidential Management Staff (PMS) na ilabas ang detalye ng kung paano ginagamit ng kaniyang tanggapan ang pondo.

Bukas din si Pangulong Aquino na ilahad kung paano nagamit ang Malampaya funds. Kabilang aniya sa pinaglaanan nito ang programang pagpapakuryente sa mga liblib na lugar, pagbili ng mga gamit ng Philippine Air Force, Navy at Coast Guard, at pagtugon sa problema sa kuryente sa Mindanao.

Samantala, kinontra rin ng pangulo ang panawagang i-itemize o himayin ang mga pinaglalaanan ng pondo gaya ng calamity fund.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.