PNoy at VP Binay, Nagpulong sa Zambo

PAREHONG NAGTUNGO ng Zamboanga City sina Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III  at Vice President Jejomar Binay para imonitor ang operasyon ng gobyerno laban sa nagrerebeldeng paksyon ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Biyernes ng umaga nang dumating si Pangulong Aquino sa Zamboanga City habang Sabado ng hapon dumating si Binay.

Base sa tweet ng tagapagsalita ng Bise Presidente na si Joey Salgado, ginanap ang pulong sa WestMinCom headquarters kasama sina Defense Secretary Voltaire Gazmin, Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista, Philippine National Police Chief General Alan Purisima at Makati Mayor Junjun Binay.

Bago magpunta sa Zamboanga, inanunsyo ni Binay na magkakaroon ng ceasefire sa pagitan ng militar at nasabing paksyon ng MNLF.

Pero hindi ito nangyari at ayon kay Gazmin, walang ceasefire at tuloy ang operasyon ng militar hangga’t hindi tumitigil ng pag-atake ang mga rebeldeng Moro.

Wala namang malinaw na detalyeng inilabas kung anong napag-usapan ng mga opisyal.

Pero sa tweet pa rin ni Salgado, ibinalita nitong hindi naging maganda ang resulta ng pagsisikap ni Binay na mapalaya ang mga bihag na hawak pa rin ng MNLf-Misuari faction.

Samantala, umaabot na sa 51 ang mga namatay sa sagupaan habang 70 naman ang mga nasugatan.

Sa ngayon, higit 60,000 residente mula sa apektadong mga barangay sa lungsod ang lumikas na rin.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.