PMA, nasisira sa kaso ni Cadet Cudia

UMAPELA SA publiko ang Philippine Military Academy (PMA) Siklab Diwa Class of 2014 valedictorian na si Cadet First Class Jheorge Llona na huwag siraan ang kanilang akademiya o maging ang kanilang ipinatutupad na honor system dahil lang sa kaso ni Cadet First Class Aldrin Jeff Cudia.

Sinabi ni Llona na masakit para sa kanila bilang kadete na maraming nagsasalita ng negatibong komentaryo at paninira laban sa PMA.

Bagama’t nauunawaan umano nila ang opinyon ng mga tao, sana ay igalang din naman ng lahat ang sistema at disiplinang ipinaiiral sa PMA na ipinatutupad na sa loob ng mahabang panahon.

Una rito, hindi na nakasama sa graduation rites ng PMA sa Baguio City si Cudia.

Ito ang pahayag ni Defense Sec. Voltaire Gazmin matapos makipagpulong ang pamilya Cudia kay Pangulong Noyno Aquino III.

Inihayag ni Gazmin na pinakinggan ng punong ehekutibo ang mga hinaing, kahilingan at apela ng mga magulang ng kadete.

At sa naturang pulong ay tiniyak umano nila na magkakaroon ng sapat na pagkakataon ang pamilya Cudia na mapakinggan ang kanilang panig.

Inirekomenda rin umano sa mga ito na gawing pormal ang lahat ng apela sa pamamagitan ng liham.

Sa huli ay napagkasunduan na hindi na kasama ang nasabing kadete sa graduation ceremony kahapon, habang ang desisyon sa mga apela ay ipinauubaya ng Pangulong Aquino kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Emanuel Bautista.

“The President and I met with the family of CDT 1CL CUDIA and heard them out. They had appeals, requests, and also raised some issues. We made sure that they were given the opportunity to air their side. At the end of which, we recommended that they formalize their appeal, requests, and other concerns in writing. It was agreed that CDT 1CL CUDIA will not graduate tomorrow, without prejudice to whatever will be the result of their new appeal, which is now elevated to the CSAFP whom the President directed to investigate,” ayon kay Gazmin.

Narito naman ang kabuuang listahan ng Top 10 sa Class “SIKLAB DIWA” 2014: 1) Jheorge Mille A. Llona, Daraga, Albay, 2) Liza Jumawid Dango, Cagayan De Oro City, 3) Billy Casibi Codiam, Kalinga, 4) Lee Mack Tuliao, Cagayan, 5) Fuel de Venecia Raguindin, Pangasinan, 6) Carlito Pajarillo Agustin, Tuguegarao, Cagayan, 7) Frank Anzale, Babatmon, Leyte, 8) King Kristian Dennis Marca Argoso, Quezon, 9) Greg Philip Monsalud, Cagayan, at 10) Alvin Kantala Balangcod, Benguet.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.