Plunder at graft case vs CGMA at Rep. Dato, ibinasura ng Ombudsman

IBINASURA NG Ombudsman ang kasong plunder at graft kontra sa mag-inang sina dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at Camarines Sur Rep. Dato Arroyo.

Ito’y hinggil sa umano’y maanomal-yang Libmanan-Cabusao Dam at Skybridge 1 and 2 projects sa Camarines Sur.

Base sa 28-pahinang investigation report, inaprubahan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang rekomendasyon ng Field Investigation Office (FIO) nitong Abril 22 na isara na ang nasabing kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Wala umanong makapagpatunay na may direktang partisipasyon sina Ginang Arroyo at Rep. Dato sa implementasyon ng mga proyekto lalo’t hindi nanggaling sa President’s Social Fund o sa Priority Development Allocation Fund (PDAF) ni Rep. Dato ang pondo.

Lumabas pa sa pagsisiyasat na proyekto ng National Irrigation Administration (NIA) ang dam noong 2008 habang kabilang sa Design and Build Infrastructure Project Scheme ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Skybridge noong 2009.

Base rin sa investigation report, walang ebidensyang makapagpapatunay na tumanggap sina Ginang Arroyo at Rep. Dato ng halos P50 milyon para sa mga proyekto.

Ikinagalak naman ng kampo ng mag-inang Arroyo ang pagkakabasura ng mga kaso.

Sinabi ni Ferdinand Topacio, abogado ng dalawa, “As we have always maintained, the funds earmarked for the said dam were all properly accounted for, and all unused funds returned to the government, thus the finding by the Ombudsman of the total baselessness of the Complaint against them.”

Umaasa rin ang kampo ng mag-ina na susunod na ring mababasura ang iba pang kasong isinampa sa Pamilya Arroyo.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.