Piso, Bumagsak sa Lowest Level Kontra Dolyar

BUMAGSAK SA pinaka-mababang halaga nito ngayong taon ang Philippine peso kumpara sa dolyar.

Sinabi ng inter-dealer money broker na Tullett Prebon Plc. na bumaba nang 0.7 percent ang halaga ng local currency sa P43.10 per dollar kahapon ng umaga.

Una rito, tiwala naman ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na makababawi rin ang halaga ng piso nang bumagsak ito sa 12-month low kahapon matapos magsara sa P42.78.

Ayon kay BSP Governor Amando Tetangco Jr., kanilang inaasahan na umano ang foreign exchange movements dahil sa nakikitang paglakas ng dolyar.

Sinabi pa ng opisyal na walang dapat ikabahala ang business sector dahil nanatili aniyang matatag ang pananalapi ng bansa kung ikumpara sa ibang Asian currencies.

Pero ayon sa mga traders, hindi lamang ang lokal na pananalapi ang humina kundi maging ang ibang Asian currencies, dahil na rin sa pagsigla ng American dollar.

Samantala, sinasabing pinapaboran ng mga investors ang dolyar matapos magtala ng “highest level” ang US consumer confidence data.

Matatandaan na nitong mga nakaraang buwan, naabot ng Philippine currency ang five-year high sa P40.55 kasunod nang positibong rating na natanggap ng Pilipinas mula sa mga international credit rating agencies.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.