Pinsan, binoga sa pag-hack ng FB account

BINARIL AT napatay ang isang computer technician ng kanyang pinsang buo makaraang mairita ang huli sa ginawang pagha-hack ng biktima sa Facebook account ng suspek sa Navotas City kamakalawa ng umaga.

Isang bala ng caliber .38 ang tumapos sa buhay ng biktimang si Raffy Cruz, 23 anyos, at kasalukuyang naninirahan sa Bacog St., Brgy. Daang Hari ng nasabing lungsod.

Hindi naman nagawang makatakas ng suspek na nakilalang si Rannie Cruz, 21 anyos, walang hanapbuhay at kalugar ng biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Ronnie Garan ng Station Investigation Division (SID) ng Navotas City Police at may hawak ng kaso, bandang alas-8:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa harap ng bahay ng biktima.

Paalis na sana ang biktima para pumasok sa kanyang trabaho nang biglang dumating ang suspek na galit na galit at agad na kinompronta ang kanyang pinsan sabay ng pagbibintang na ito ang may kagagawan ng pag-hack ng kanyang Facebook account.

Hindi sinagot ng biktima ang paratang bagkus ay tawang nakaloloko ang isinagot ng biktima kaya’t lalong napika ang huli dahilan upang sapakin ng suspek ang kanyang pinsan na naging dahilan din upang gumanti ang una ng isang malutong na sampal sa mukha.

Lingid sa kaalaman ng biktima, armado pala ng nasabing baril ang suspek na mabilis nitong binunot at lumapit sa biktima saka pinutukan na tinamaan sa batok na nagresulta sa agarang kamatayan ng una at pagkatapos ay mabilis na tumakas.

Ilang kaanak at kapitbahay ng biktima at suspek na nakasaksi ng pangyayari ang tumawag sa mga awtoridad. Sa imbestigasyon ng Scene Of the Crime Operative (SOCO) sa pinangyarihan ng krimen, dalawang slugs ng nasabing baril ang natagpuan gayundin ang isang plastic sachet ng hinihinalang Shabu.

Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, nahuli ang suspek at narekober din ang kanyang ginamit na baril na kanya palang itinapon sa ilog habang siya ay tumatakas. Nakita rin doon sa kanyang pinagtapunan ang isang jungle bolo na kanya ring pagmamay-ari.

Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong Paricide.

(ROMAN MAGPOC)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.