Pinoy Peacekeepers sa Golan Heights, Walang Pullout

HANGGA’T WALA uma-nong kautusan, mananatili pa rin ang mga Pinoy peacekeeper sa Golan Heights sa bahagi ng Israeli-Syrian border.

Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Emmanuel Bautista na isang “political and foreign relations” ang naturang usapin at naghihintay lamang aniya ang Sandatahang Lakas ng anumang kautusan.

Samantala, tiniyak ng opisyal na patuloy umanong ina-assess ng gobyerno ang seguridad at kaligtasan ng mga sundalong Pinoy.

Una rito, umapela ang United Nations sa Pilipinas at India na dagdagan ang contingent sa peacekeeping force sa Golan Heights.

Ito ay kasunod ng desisyon ng Austria na i-pullout ang halos 400 tropa nito na naka-deploy sa Golan Heights bilang bahagi ng United Nations Disengagement Observer Force.

Ayon kay British Ambassador to UN Lyall Grant, ang tumatayong presidente ng UN Security Council ngayong buwan, umaasa rin silang may bansang kusang magpadala ng puwersa.

Kamakailan lamang, nakabalik na sa kanyang kampo ang Pinoy peacekeeper na nagtamo ng shrapnel wound sa nangyaring pagsabog sa Golan Heights.

Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) public affairs office chief Lt/Col. Ramon Zagala na nasa maayos na kundisyon na ang kababayan matapos magamot ito sa pagamutan.

Una rito, nai-report na nagkaroon ng matinding engkuwentro ang Syrian government at rebel forces malapit lamang sa kampo kung saan nagbabantay ang mga peacekeeper.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.