Pinoy nurse galing UAE, negative sa MERS-CoV

NAG-NEGATIBO SA pagsusuri ang isang Pinoy nurse na unang inireport na positibo sa Middle East Respiratory Syndrome coronavirus (MERS-CoV) nang umuwi ito sa bansa mula sa United Arab Emirates noong Martes.

Inihayag ni Health Secretary Enrique Ona na matapos ang pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa OFW, lumabas na negatibo ang Pinoy nurse.

Hindi nakaranas ng anumang sintomas ang Pinoy worker bagama’t virus carrier ito habang bumibiyahe mula sa UAE.

Na-discharge na rin ang apat na kapamilya ng naturang nurse matapos ma-quarantine.

Ayon pa rin kay Ona, bumuo na ang DOH ng Task Force MERS na siyang sumusuri sa mga pasahero ng Etihad Airways flight na sinakyan ng Pinoy worker.

72 na aniya ang nasuri ng task force at 40 rito ang nag-negatibo.

Tiniyak rin ni Ona na walang outbreak o epidemya ng MERS-CoV sa Middle East kaya walang pagbabawal sa pagbiyahe roon.

Pinapayuhan naman ng DOH ang mga Pinoy na kadarating lang mula sa Middle East na agad pumunta sa pagamutan sakaling makaranas ng mga sintomas ng MERS-CoV.

Sinabi rin ni Ona na libre ang test para sa MERS-CoV sa RITM.

Kabilang sa sintomas nito ang lagnat, ubo, respiratory difficulties tulad ng sa pneumonia at kung minsa’y diarrhea.

Samantala, wala pang vaccine ang MERS-CoV at tanging symptomatic treatment ang maaaring gawin.

Nagpaalala naman ang DOH sa publiko na ugaliing maghugas ng kamay para maiwasang mahawa ng virus.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.