Pinatay Na Brgy. Chairman, Wala Pa Ring Hustisya

SUMISIGAW NG hustisya ang mga kapamilya, kaibigan at mga kapit-bahay ng pinasalang na dating barangay chairman sa Navotas dahil mahigit na isang taon na ang nakalilipas ay hindi parin nalulutas ng pulisya ang kaso.

Kaugnay nito, mariing kinondena ng mga nabanggit ang pamunuan ni Northern Police District (NPD) director Chief Supt. Antonio Decano at Navotas Police sa usad-pagong na imbestigasyon sa kaso ng pamamaslang kay Edwin Abella, dating barangay chairman ng Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS), Navotas.

Napag-alaman na marami sa mga kabarangay ng biktima ay naniniwala na may kinalaman umano ang kasalukuyang chairman na si Elvis Ayuda sa pangyayari.

Nabatid pa na bago umano pinatay si Abella, nagkaroon umano muna ng isang mainitang pagtatalo sa pagitan ng pinatay at ni Ayuda dahil malaki umano ang intensiyon ni Ayuda na palitan si Abella bilang punong barangay.

Magugunita na noong nakalipas na Marso 15, 2011, dakong alas-6 ng umaga nang barilin at mapatay si Abella habang umiinom ito ng kape sa loob ng kanyang bahay sa Phase 1, NBBS ng nabanggit na lungsod.

Isang hindi nakikilalang babaeng hired killer ang kumatok sa pintuan ng bahay ni Abella at pagkakita ng suspek sa kanyang pakay ay agad na pinagbabaril na nagresulta sa maagang kamatayan ng biktima at pagkatapos ay mabilis na tumakas ang salarin.

Dahil sa tagal na hindi nabibigyan ng hustisya ang pagpatay kay Abella, nagkakaisang nagpahayag ang mga nabanggit ng pagkadismaya sa “inutil at walang silbing pamumuno ni Decano”.

Idinagdag pa ng mga nabanggit, ang NPD ay mabibilang umano sa daliri ang nareresolbang insidente na pagpatay habang hindi naman mabilang ang hindi nareresolbang patayan na kinasasangkutan ng riding-in-tandem at mga masasamang elemento ng lipunan.

(ROMAN MAGPOC)

 

 

 

 

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.