‘Pinas, tiwalang matatalo ang Tsina

KUMPIYANSA ANG gobyerno na mananalo ang Pilipinas sa territorial dispute case kontra sa bansang Tsina na inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa international tribunal.

Sa ginanap na forum ng Philippine Society of International Law, sinabi ni Solicitor General Francis Jardeleza na siyang namumuno sa paglaban sa maritime dispute case ng bansa laban sa Tsina sa arbitral tribunal sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na kumpiyansa silang mananalo dahil hindi balido ang nine-dash line claim ng Tsina.

Naniniwala si Jardeleza na ang mga kasapi ng UN arbitral tribunal ay bibigyan ng merito ang naturang kaso at papaboran ang Pilipinas.

Maaalala na nagprotesta ang bansa sa international tribunal upang kontrahin ang 9-line claim ng Tsina dahil sinakop nito ang buong South China Sea kabilang na ang may 200 nautical miles Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Naging mainit ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina dahil na rin sa patuloy na pangha-harass o panghihimasok at panggigipit ng Chinese troops sa Scarborough Shoal at Kalayaan Island Group o Spratlys.

Base sa ilalim ng UNCLOS, ang isang bansa ay binibigyan ng 200 nautical miles EEZ mula sa kanilang coastline at may karapatan sila na maglayag at mangisda o magsagawa ng maritime activities sa kanilang nasasakupan.

Kamakailan ay muling naghain ng protesta ang bansa sa Chinese Embassy sa Manila laban sa Tsina dahil sa nangyaring insidente ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc matapos na itaboy sa pamamagitan ng pagbomba ng water cannon.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.