‘Pinas, Pinalakas ang Puwersa Kontra Cyber-Attack

KASUNOD NANG malawakang “cyber-attack” sa South Korea, lalo pang pinalakas ng Pilipinas ang mga hakbang laban sa anumang computer- and-Internet-based crimes.

Ayon sa Philippine National Police, binuo na ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na siyang mangunguna sa pagtutok sa mga cybercrime offenses, computer-related offenses, at iba pang content-related offenses, katulad ng cybersex, child pornography, unsolicited commercial communication at iba pang kahalintulad na kaso.

Matatandaan na noong Setyembre ay nilagdaan ng Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang Anti-Cybercrime Act of 2012 na siyang naging daan para mabuo ang PNP Anti-Cybercrime Group.

Kamakailan, sunud-sunod na naparalisa ang computers ng apat na mga broadcast networks ng South Korea at dalawang bangko.

Ayon sa TV station na YTN, 500 computers nito ang na-shutdown at hindi ma-restart habang sinabi naman ng KBS na paralisado ang kanilang internal networks.

Samantala, ganito rin ang nangyari sa MBC at sa dalawang bangko na Shinhan at Nonghyup na dahilan ng pag-shutdown ng mga ATM machines.

Sinabi naman ng South Korean government na lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na malicious software o virus ang sanhi ng pagkaparalisa ng internet sa bansa.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.