‘Pinas, Nanganganib Ma-Blacklist ng FATF

NANGANGANIB NA mapabilang ang Pilipinas sa mga bansang blacklisted ng Financial Action Task Force (FATF) kasunod ng pagkakabigo ng Senado na maaprubahan ang pa-ngatlong panukalang batas na naglalayong palakasin ang Anti-Money Laundering Act (AMLA).

Sinabi ni Senate committee on banks, financial institutions and currencies chairman Sen. Serge Osmeña na sakaling tuluyang ma-blacklist ang ating bansa ay maraming mga financial transactions ang maapektuhan.

“I’m very disappointed because if our country gets demoted to the blacklist, everybody will suffer,” ani Osmeña.

Nabatid na ngayong linggo lamang bago ang session break ng Kongreso ang deadline para maipasa ng bansa ang nasabing panukala bago ang pagpupulong ng FATF sa Hong Kong ngayong araw.

Pero sa huling session ng Senado para sa dalawang linggong adjournment ay bigong maipasa ang nasabing panukala.

Isa naman si Sen. Joker Arroyo sa mga may katanungan sa panukala kaya’t naantala ang pagkakapasa nito sa kapulungan.

Kasalukuyang nasa grey list ng FATF ang Pilipinas at dahil hindi naipasa ang panukalang batas para palakasin ang kampanya laban sa money laundering, nanganganib na magiging blacklist ito.

Matatandaan na noong buwan ng Hunyo ay bahagyang na up-grade ang status ng ating bansa mula sa dark grey ay naging grey matapos na maipasa ang Terrorist Financing Suppression Act at ang Act To Further Strengthen the Anti-Money Laundering Law.

Ngunit dalawa lamang ito sa tatlong panukala na kailangang maipasa ng bansa kung saan ang isa ay nakabinbin pa sa Kongreso.

Sakaling mapabilang ang Pilipinas sa FATF blacklist ay magkakaroon ito ng masamang epekto sa mga transaksyong pi-nansyal ng bansa sa iba’t ibang panig ng mundo kabilang na rito ang mga remittances ng overseas Filipino workers (OFWs).

Samantala, nagbabala si Sen. Teofisto Guingona III, maaaring pahirapan ng ibang bansa ang Pilipinas sa pinansiyal na transaksyon nito dahil sa hinalang maaaring galing sa katiwalian ang pera dahil sa mahinang Anti-Money Laundering Law sa ating bansa. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.