‘Pinas mananatili sa watch list

MALAKI ANG posibilidad na manatili ang Pilipinas sa Ordinary Watch List ng United States Trade Representative (USTR) Special 301 Report ngayong taon sa kabila ng mga pagkilos na ginawa ng pamahalaan.

Sa pahayag, sinabi ni Intellectual Property Office Director General Ricardo R. Blancaflor na inaasahan na niya ang naturang ulat, kasabay ng pagsasabing lubhang nakalulungkot ito sapagkat kung pagbabatayan ang mga ginawang konkretong hakbang ng bansa upang labanan ang pamimirata at pagbibigay ng proteksyon sa intellectual property, dapat nang maalis sa naturang listahan ang ‘Pinas.

Idinagdag pa nito na ang posibilidad ng pananatili sa USTR Watch List ng bansa ay maaaring batay sa ibang usapin ng pagnenegosyo.

Partikular na tinukoy ni Blancaflor na nito lamang 2011, umabot sa P8.38 bilyon o tinatayang $199.6 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang iligal na produkto sa bansa, at ito ang pinakamataas sa kasaysayan ng pakikipaglaban sa piracy at counterfeiting.

Natanggal din sa listahan ng Notorious Markets in 2010 ang Greenhills Shopping Center sa pakikipagtulungan sa IPOPHL ng brandowners, traders at Greenhills Administration. Samantalang maging ang Quiapo na kilala sa mga piniratang produkto ay hindi nakaligtas sa pakiki-

pagtulungan na rin ni Manila Mayor Fred Lim, na nagpatupad pa ng ordinansa.

Maliban dito, mata-tandaang kamakailan lamang ay dumalo pa sa 1st Philippine Anti-Counterfeiting and Piracy Summit ang kinatawan ng 20 bansa sa ‘Pinas upang obserbahan ang mga inisyatibong ipinatupad ng pamahalaan. Ipinakikita lamang nito na ang Pilipinas ay kasalukuyang ginagamit bilang benchmark hindi lamang sa Asya kundi sa buong mundo.

Batay sa ulat, ang matatag na kampanya laban sa pamimirata at pagbibigay ng proteksyon sa intellectual property ay nagpatibay rin sa tiwala ng mga negosyo sa bansa sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga boutique, partikular na ng mga European brand owners.

Mapapansing sa nakalipas na USTR 301 Report, ilang bansa tulad ng Taiwan at Saudi Arabia ang naalis na sa watch list dahilan sa pagtugon sa kanilang action plan. Ang Pilipinas ay nagsumite ng Intellectual Property Rights Action Plan para sa taong 2011 at ito ay tinutukan nang husto ng mga ahensiyang nakikipaglaban sa pamimirata, kaya naman nakakadismaya ang pananatili ng bansa sa naturang listahan sa kabila ng mga ginawa nito.

Tiniyak naman ng IPOPHL na ang pananatili ng bansa ngayong taon sa Watch List ng USTR Special 301 Report ay hindi magpapahina sa kanilang mga pagkilos upang tuluyang labanan ang piracy at bigyang-proteksyon ang intellectual property ng bawat legal na negosyo.

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.