‘Pinas, Itinangging Pugad ng mga Terorista ang Sulu

BAGAMA’T NIRERESPE-TO, hindi naman sang-ayon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa klasipikasyon ng Estados Unidos sa Sulu archipelago bilang pugad ng mga terorista o “terrorist safe havens”.

Sinabi ni Armed Forces spokesperson Maj. Ramon Zagala na limitado na ngayon ang operasyon ng mga terorista sa Sulu bunsod ng counter-terrorism operations ng Sandatahang Lakas.

Sa inilabas na 2012 Country Reports on Terrorism ng US State Department, ibinilang ang ilang lugar sa Mindanao sa tinatawag na “terrorist safe havens”.

Inihayag ng US State Department, patuloy ang operasyon ng mga teroristang grupo sa rehiyon partikular ang Abu Sayyaf at maging ng Jemaah Islamiya.

Kapansin-pansin naman na itinuring na rin ng Estados Unidos na grupong terorista ang ang Communist People’s Party/New People’s Army (CPP-NPA).

Sinabi ng Palasyo na wala sila sa posisyon para sumang-ayon o umalma sa naging klasipikasyon ng US.

Base naman sa isyu ng Abu Sayyaf, sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na maituturing na lang ito bilang kidnap-for-ransom group.

“’Yung sa numbers, let me just verify lang kung ilan pa… ‘yung hawak po nila, kung meron man. But, again, this shows really that they have been reduced to a kidnap-for-ransom group and that’s the status right now, and we continue to pursue lawless elements in the country.”

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.