Pinalabas na nasunog sa sasakyan, Natagpuang buhay sa La Union

PALAISIPAN SA MGA awtoridad ang naganap na pagkasunog ng isang sasakyan sa Caloocan City kung saan, nakitang patay sa loob nito ang isang mister ngunit makalipas ang ilang araw ay natagpuang buhay sa Bauang, La Union.

Sa ipinalabas na ulat ni Caloocan City chief of police, Sr. Supt. Jude Wilson Santos, unang kinilala ang nasunog na bangkay na si Levi Dulay ng # 103 10th St., 8th Avenue ng nasabing lungsod nang magtungo ang asawa nitong si Ana Marie sa himpilan ng pulisya.

Personal ding kinilala ni Ana Marie ang sasakyan ng kanyang asawa na Mitsubishi Adventure na may plakang WLV-586, kung saan nakuha rin ang ilang papeles sa loob ng nasunog na sasakyan kasama ng bangkay ng umano’y sinasabi nitong kanyang mister.

Sa naging salaysay pa nito sa mga awtoridad, umalis ang kanyang mister sa kanilang bahay noong January 15 dakong 8:30 ng gabi at nakatakda umano itong dumalo sa reunion ng kanyang mga kamag-aral sa isang lugar sa Las Piñas hanggang makita ang nasunog na sasakyan at nasa loob nito ang isang sunog ding bangkay noong Enero 16 dakong 1:55 ng madaling-araw sa panulukan ng C-3 Road at Torcillo St., Brgy. 28, Caloocan City.

Samantala, noong January 20 ay nagtungo naman sa himpilan ng pulisya ang kamag-anak ng isang nagngangalang Gildo Chua na nagsasabing bangkay ng kanilang kaanak ang natagpuan sa loob ng nasunog na sasakyan.

Dahil dito, nagkaroon ng agam-agam ang mga awtoridad sa pangyayaring hanggang sa ipasya ni Santos na idaan sa DNA test ang natagpuang bangkay upang matukoy kung sino talaga ang natagpuang bangkay.

Noong Enero 22 naman, nakatanggap ng impormasyon ang Caloocan City Police kung saan ay sinasabi ng impormante na nakita si Dulay na naka-confine sa Lorna Medical Center na matatagpuan sa Brgy. Carlatan, San Fernando City.

Nang magtungo sina Chief Insp. Rodrigo Soriano, hepe ng Station Investigation and Detective Management Bureau (SIDMB) ng Caloocan City Police at ang mga tauhan nito sa nabanggit na pagamutan, inabutan ng mga ito si Dulay at ang asawa nitong si Ana Marie na unang nagpunta sa himpilan ng pulisya na nagsasabing katawan ng mister nito ang natagpuang patay sa loob ng nasunog na sasakyan.

Sa naging salaysay pa ni Dulay sa mga awtoridad, dinukot ito at ang kanyang kasamang si Chua ng hindi kilalang mga kalalakihan at dahil umano sa kagustuhang makatakas ay sinuntok ng isa sa mga ito ang kanyang kasama habang siya naman ay pinalo sa likod ng ulo dahilan upang mawalan ito ng ulirat.

Dinala rin umano ito ng mga kidnappers sa kanilang hide-out at sa tantiya pa umano nito, umabot siya ng lima hanggang anim na araw na ang tanging kinakain ay biscuit at saging.

Matapos ito, inilabas umano si Dulay ng mga kidnappers at pagbaba ng mga ito sa sasakyan, binuhusan ito ng gasolina at nang tangkang sisilaban ay hindi gumana ang gagamiting lighter.

Isa rin umano sa mga kidnappers ang pumalo sa ulo ni Dulay habang ito ay nakatali sa kamay at paa hanggang sa may dumaang tricycle dahilang upang mapilitan umano ito na iwan na lamang ang sinasabing kidnap victim hanggang sa makuha ito ng mga tauhan ng Bauang Police.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Santos na hindi pa natatapos ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa kaso at kapag napatunayan umano na nagsisinungaling si Dulay at ang asawa nito ay posibleng maharap ang dalawa sa patung-patong na kaso, isa na rito ang kasong Murder.  (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

2 thoughts on “Pinalabas na nasunog sa sasakyan, Natagpuang buhay sa La Union

  1. Sana lang yung follow up report ng mga pulis caloocan e umabot dun sa probinsya kung saan natagpuan c mr. levi dulay, dahil ayon sa report superfiacial lang daw mga sugat ni levi, bakit di mag imbistiga sa mga pulis dun at s hospital kung saan dinala c levi, bkit puro side ng pulis kalookan pinakikita sa news, samantalang sa side ng pamilya dulay wala, parang one sided ata ang balita na ito, at ayon sa pulis probinsya natagpuan c levi na halos wala ng buhay sa isang madilim na lugar doon, at kung nahuli ng konti maaring ikamatay nya dahil sa dami ng dugo nawala? Ayon din sa mga nasagap ko, c Gildo Chua ay isang bugaw sa 3rd Ave Caloocan city at nagbebenta ng pinagbabawal na droga?Kung nakaligtas c levi posible nga me kinalaman sya sa pagkamatay ni chua? Pero di ba natin naisip na baka me kinalaman di c chua sa mga nangyari sa kanila? Ano ba ang pagkatao ni Chua? at Pagkatao ni Dulay? Sana lahat kunan ng pahayag dito, wag lang police caloocan, hingan din ng pahayag ang pamilya dulay, pamilya chua at police probinsya…Opinion lang po…

  2. Bakit police caloocan lang hinihingan ng salaysay? Bakit ang police probinsya hindi gingan ng pahayag ng di naman maging one sided ang inbestigation? Pati na rin sa pamilya dulay dapat magbgay sila ng pahayag sa nangyari…Ang nagyayari kasi inaakusahan ang isang tao na di man lang tinatanong mga sangkot dito

Leave a Reply

Your email address will not be published.