Pinagsabay raw sila ni Shaina Magdayao: Ruffa Gutierrez, Inilabas na ang Lahat-Lahat!

HINDI LANG NGA ‘yong relasyon nila ni Shaina Magdayao ang inamin ni John Lloyd Cruz kamakailan kundi pati ‘yong naging special relationship nila dati ni Ruffa Gutierrez. Dahil dito, marami ang nag-abang kung ano ang magiging reaksiyon ng actress-TV host na lumabas tuloy na sinungaling dahil sa laging pagdidiin dati na magkaibigan lang sila ng aktor.

Sa birthday celebration ni Ruffa sa Paparazzi kahapon, sa pag-uusisa namin at ng iba pang mga kaibigan niya from the press na naroroon para batiin nga siya sa kanyang kaarawan, wala na rin siyang choice kundi magsalita na rin tungkol sa nasabing usapin. At inamin na rin nga ni Ruffa na totoong naging sila rin ni Lloydie.

Pero understandable naman kung bakit nagdi-deny si Ruffa kasi hindi naman din umaamin si John Lloyd. Isa pa, nagkaroon daw sila ng usapan not to talk about their relationship in public. Which is understandable dahil at that time, nasa proseso pa ang annulment ng kasal nila ng ex-husband niyang si Yilmaz Bektas.

According to Ruffa, nagsimula raw mahulog ang loob nila sa isa’t isa nang magkasama sila sa Betty La Fea.

Naging masaya naman daw sila ni John Lloyd sa panahong sila. Kaya lang, hindi na rin ikinaila ni Ruffa na no’ng panahong sila ni John Lloyd, nag-overlap ang pakikipagrelasyon daw ng aktor sa kanya at kay Shaina Magdayao. Ibig sabihin, totoo talaga ang napapabalita na rin dati na pinagsabay sila ng aktor.

Sa umpisa raw, nadidinig-dinig lang umano ni Ruffa ‘yong tungkol sa tsismis na nagdi-date sina Shaina at John Lloyd.  Hanggang sa kinutuban na rin umano siya kaya tinanong niya ang aktor tungkol dito.

Inamin daw naman sa kanya ni Lloydie na totoo nga na something’s going on between him and Shaina sa panahong kinumpronta na niya ito. Siyempre pa, kahit sino namang babae, masasaktan kapag nalaman at napatunayang may iba palang babae na kahati sa puso ng karelasyong lalaki.

“I maybe the sweetest girl in the world,” ani Ruffa. “Pero… anak ako ni Anabelle Rama,” aniya nga.

So ibig sabihin, nang inamin ni John Lloyd sa kanya na may relasyon din ito kay Shaina naging parang tigre rin siya na gaya ng Mommy niyang kilala sa sobrang katarayan at pagiging gerera?

Ayaw na lang mag-elaborate pa ni Ruffa kung ano talaga ang naging scenario ng kanilang naging confrontation ni John Lloyd at kung ano ang ginawa niya after aminin nito ‘yong tungkol nga sa relasyon din kay Shaina.

“You just have to read between the lines na lang. Nakaka-stress, huh!” Natawang sabi pa ni Ruffa nang tangkain naming kulitin pa siya tungkol dito.

Hindi na rin nag-comment si Ruffa sa pagdi-deny ni John Lloyd na talagang nagkasabay sila ni Shaina.

Ang karagdagang kuwento na lang na naibahagi pa ni Ruffa, New Year umano nang makumpirma niyang totoo ‘yong John Lloyd-Shaina affair. Pero gano’n pa man, wala pang naging closure ‘yong sa kanila ng aktor. Na tipong – hello tapos goodbye… hello raw ulit tapos goodbye na naman.

“Nagkaroon na lang ng closure talaga mga two months ago. Na final na ngang – goodbye na talaga.”

Naitanong din namin, hindi kaya bukod kay Shaina ay naging reason din si Yilmaz kaya nag-fail ang special relationship nila ni John Lloyd? Natakot siya regarding what her ex-husband is capable of doing kapag niresbakan ang aktor during the time na napapabalitang sila nga? Lalo ngayong hindi na naman sila in good terms nito. Kumbaga, tinapos niya ang involvement sa aktor para maprotektahan ito.

“No, hindi siya (Yilmaz) ang main reason. But… nakakatakot talaga. And siyempre, I wanna protect the people in my life.  Na bukod sa pamilya at mga anak ko, eh ‘yong mga kaibigan ko. And siyempre, kasama na rin si JL.”

Si John Lloyd, magkapareho sila ng birthday (June 24). Wala ba silang naging gift sa isa’t isa since sinasabi naman niyang they’re friends pa rin kahit si Shaina na ang karelasyon nito?

“Of course wala kaming gift sa isa’t isa. As a matter of fact, we didn’t talk to each other on our birthday. Because nga, it’s finally out in the open that he’s seeing someone else. And I would like to respect that. And ayoko ng gano’ng klaseng situwasyon.”

Ayaw niyang mangyari ulit na mapapabalitang nagwala na naman si Shaina dahil sa matinding selos? Gaya ng pagwawala raw nga diumano nito nang mapabalita na nakitang magkasamang nagba-bike diumano si Ruffa at John Lloyd sa The Fort.

Itinanggi ito ni John Lloyd. Idinenay rin ni Ruffa. Pero ang Mommy niya na si Anabelle Rama, kinumpirmang totoo ito.

Si Tita Anabelle pa nga raw ang bumili ng bike niya na all pink. Pati raw rubbershoes na ginamit niya.

“Totoong nag-bike ako sa The Fort. Pero iba ang kasama ko. Hindi ko na sasabihin kung sino. Hindi talaga si JL ang kasama ko. May bago na akong ka-bike ngayon.”

Pinabulaanan din ni Ruffa ang sinabi ng ina na nag-uusap pa rin at nagti-text sila ni Lloydie sa isa’t isa kahit umamin na ang aktor ng tungkol sa relasyon nga with Shaina.

“’Yon siguro ang hinala ni Mommy. Pero, no! Wala na talaga kaming communication since two… three weeks ago.  Period.

“And this is the last time na magsasalita ako tungkol sa topic na ito. Let us close it na. There’s no issue anymore kasi hindi na kami nagtatawagan. Hindi na kami nagkikita. And thank God, may final closure na talaga,” huling naging pahayag ni Ruffa.

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan

Previous articleDetractors ni Kris Aquino, nagbubunyi!
Next articlePinoy Parazzi Vol. III Issue #130: June 28-29, 2010

No posts to display