Pinagdududahang may kaugnayan sa suspension ni Echiverri Trapik Papuntang Caloocan City Hall, Nagkabuhol-buhol

 

DISMAYADO ANG mga drayber ng pampubliko at pribadong sasakyan, partikular ang mga residente at commuters dahil sa pagkabuhol-buhol ng daloy ng trapiko na sadya umanong ginawa ng mga elemento ng Reformed Department of Public Safety and traffic Management (DPSTM) ng Caloocan City.

Ayon sa source ng pahayagang Pinoy Parazzi, ito ay dahil para mabalam umano ang mga sasakyan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na siyang magdadala ng suspension order kay Caloocan City Mayor Rico “Recom” Echiverri noong nakalipas na Biyernes ng hapon.

Nagkabuhol-buhol ang daloy ng trapiko sa intersection ng 10th Ave. at Rizal Ave. Ext. partikular ang mga sasakyan na patungong city hall.

Barado rin ng mga sasakyan ang kahabaan ng Samson Road at intersection ng Sangandaan na patungo rin sa city hall ng Caloocan.

Ang kahabaan ng Rizal Avenue na nagmumula sa 5th Ave. hanggang sa 10th Ave. ay pinadaanan sa mga naglalakihang truck, tulad ng mga 10-wheeler truck na hindi naman dating pinapayagang padaanan.

Ipinakalat din umano sa kalsada ang mga vendor para tuluyan nang maparalisa ang daloy nang trapiko.

Sinabi pa ng source, inatasan ng pinuno ng DPSTM ang kanyang mga traffic enforcer na iwanan ang kani-kanilang puwesto nang sa ganoon ay hindi sila buntunan ng sisi hinggil sa pagsikip ng daloy ng trapiko.

Magugunitang si Caloocan City Mayor Rico “Recom” Echiverri ay sinuspinde ng Court of Appeals, matapos na mapatunayang nagkasala ng Graft and Corrupt practices hinggil sa hindi pagbabayad ng mga remmitances ng kanyang mga empleyado sa Government Service Insurance System (GSIS).

Kaugnay nito, patuloy na nagmamatigas si Echiverri na nagsabing hindi siya aalis sa kanyang tanggapan bilang punong lungsod dahil hindi pa siya nabibigyan ng kopya hinggil sa naging desisyon ng CA.

Umapela naman si Bise-Alkalde Egay Erice kay Echiverri na bumaba na siya sa puwesto at igalang ang naging desisyon ng CA.

Ngayong Lunes ng umaga, Enero 9, ipagpapatuloy ang pagsisilbi ng nasabing suspension order kay Echiverri.

(ROMAN MAGPOC) 

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.