Pinagbabawalan ang media na tumingin ng blotter WCCD-Malabon police, kinondena

BINATIKOS NG ILANG mga mamamahayag na nagkokober sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA) area, ang mga pulis ng Women’s and Children’s Concerned Desk (WCCD) sa Malabon, dahil sa pagbabawal sa mga miyembro ng mamamahayag na bumuklat ng kanilang blotter.

Ayon sa ilang mamamahayag na tumutungo sa tanggapan ng WCCD Malabon police, mahigpit na ipinagbabawal ni P03 Benita Terte, officer-in-charge ng WCCD-Malabon Police at ng kanyang mga tauhan, na magbuklat ang sinumang mamamahayag ng kanilang police blotter.

Sinabi pa ni Terte sa isang mamamahayag na pinagsabihan ito ng kanilang hepe sa Northern Police District Office-Women’s and Children’s Concerned Desk na si Capt. Concepcion Salas, na huwag silang magbigay ng detalye sa mga mamamahayag sa mga kaso nilang hawak.

Aniya, ilang beses na siyang napagalitan ni Salas, dahil sa mga nababasa sa iba’t ibang pahayagan sa ilang mga kaso na idinudulog sa kanilang tanggapan na may mga kaugnayan sa RA 7610 o Child Abuse.

Katuwiran naman ng ilang mga mamamahayag, ang ginagawang pagbabawal ni Terte na tumingin ng kanilang police blotter ay isang paglabag sa karapatang pantao sapagkat ang blotter ay isang pampublikong dokumento at dapat lamang na bukas ito sa sinuman.

At bilang mga miyembro ng media, alam nila ang kanilang responsibilidad kung paano ilathala ang isang ulat o kailangang proteksyunan ang biktima lalo na kung ito’y menor de edad kapag ang mga kaso ay maselan gaya ng Rape, sa pamamagitan ng pagtago ng tunay nitong pangalan.

Naghihinala tuloy ang mga mamamahayag sa Camanava area, kung ano’ng meron itinatago si Terte sa kanilang tanggapan, samantalang ang Caloocan-Navotas at Valenzuela ay marunong makisama sa mga mamamahayag at maganda ang pakikitungo. (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.