Pilipinas Win na Win, Tsugi na?!

MUKHANG NGAYON PA lamang ay nabigyan na ng linaw ang hula ni brother Arman Cuban tungkol sa pagkatsugi nitong Pilipinas Win na Win (PWNW) sa ere. Kumakalat na kasi ang chikka na kapag hindi pa rin tumaas ang rating ng noontime show sa loob ng isang linggo, matatapos na ito sa November 27, 2010. Ilang buwan na ring ipinaglaban ng Dos ang programa, ngunit kung hindi nga naman talaga patok sa masa ay wala na silang magagawa.

Nakatakdang pumalit ang programang halos kaparehas lang din ng format ng PWNW na pinamagatang Shoutout, kung saan ang kaibahan lamang ay mga bagets na ang hosts tulad nila Enchong Dee, Erich Gonzales, Sam Concepcion, Roby Domingo at dalawa pang bagets na hindi pa masyadong kilala.

Mukhang hindi umubra sa masa ang karisma ng mga mashushunda kaya nag-shift na sa mga kabataan. Makaya kaya nila ang hamon pagdating sa rating? Ano na lamang ang mangyayari sa mga naiwang hosts ng PWNW? Ang balita ko ay itong si Pokwang ay magkakaroon daw ng sariling niyang show, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin sinasabi kung ano ang title.

Buti pa si Pokie ay may paglalagyan, hindi katulad nitong si Valerie Concepcion na ‘di na tiyak kung saan lulugar lalo na ngayong hindi na siya maaaring sumama kay Willie Revillame sa Willing Willie katulad ng mga ginagawa ng natsutsugi sa noontime show. Abangan na lamang natin ang mga susunod na kabanata para sa mga katanungang ito!

AT DAHIL HINDI maiaalis ang pangalan Kris Aquino sa Pilipinas Win na Win, mukhang nanahimik yata ang Queen of All Media ngayon? Ilang araw na niyang hindi pinamumunuan ang frontpage ng mga tabloid ngayon kaya nakapagtatakang hindi siya gumagawa ng eksena o sadyang may nakaagaw na ng kanyang spotlight?

Sino pa bang makaaagaw sa attention ng isang Kris Aquino kundi ang isa pang Aquino, ‘di ba?! Ha-ha-ha! Ito ay akin lamang napuna na puro mukha ng kanyang kuya na si P-Noy ang paborito ng mga kolumnista ngayon. Kahit presidente ng bansa ay hindi nakaligtas sa mga intriga lalo na nang matapos silang maghiwalay ng dating jowang si Councilor Shalani Soledad, ngayon naman ay ikinakabit ang pangalan ng kanyang stylist na si Liz Uy na dating girlfriend din nitong si John Lloyd Cruz.

Ano ba naman ‘yan! Kahit ako ay naguguluhan sa pagsasama ng mga kilalang tao sa pultika at showbizness. Mukhang napakamaimpluwensiya talaga ni Tetay at maging ang kanyang kapatid ay nadadamay na rin sa gulo ng showbizlandia.

Hindi magandang imahe para sa ating presidente ang samu’t saring intriga lalo na’t mga walang katotohanan.

BLIND ITEM: PITIK-BULAG! Mahulaan n’yo kaya itong mashundang aktres na hanggang ngayon ay mahilig pa ring mang-agaw-eksena dahil sa kabila ng kahirapan niya sa buhay na maging kuryente at tubig ay putol na ay nagawa pa rin niyang magbayad ng lalaki?!

Tamah! ‘Yung natitira niya yatang pera ay nagbayad pa siya ng bagets worth P1,500.00 para maging escort sa isang award-giving body na chaka naman! Sayang lang ang pinambayad kung inipon na lang niya sana iyon ay maaaring sa tamang panahon ay magkakuryente at tubig na siyang muli nang mawala na ang kanyang asim!! Ha-ha-ha!

Kung hindi n’yo pa rin mahulaan ay pakisubaybayan na lamang po sa aming programa ni Lady Camille sa DWSS 1494 kHz, weekdays, from 11:30 AM to 12:NN upang makigulo at maging una sa mga chikka. At patuloy pa rin po akong subaybayan sa DZRH TV tuwing Linggo, mula 2:30 to 3:30 pm. Thank you very much and God Bless us all!

Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding

Previous articleSikat na male host, nag-ala-Juanita Banana sa piling ng 3 bagets na masahista!
Next articleHermes Bautista, gustong makilala bilang versatile actor

No posts to display