Pikon na sa ‘anak’ issue: Marian Rivera, magde-demanda?

HINDI NA WILLIE Revillame vs Jobert Sucaldito ang laban ngayon kundi Willie versus ABS-CBN na, matapos hamunin ng komedyanteng aktor ang nasabing TV network na kapag hindi tinanggal si Jobert sa TV show at radio program nito ay siya ang magre-resign. Idagdag pa ang huling komento ng Wowowee host na hindi lang naman daw ABS-CBN ang TV network sa bansa, na mukha ngang pinalalabas ng komedyante na hindi siya natatakot na tanggalin sa sariling programa dahil anytime ay may show namang kukuha sa kanya.

Marami at dumarami pa ang mga taong patuloy na nayayabangan kay Willie. Feeling kasi ng host, kung wala siya ay babagsak ang ABS-CBN na talaga namang nakapagpapataas ng kilay.Honestly, dapat siguro, ipasok sa utak ni Willie na kung hindi dahil sa TV network na tinatarayan niya ngayon, hindi siya magiging milyonaryo at maglulupa pa rin siya hanggang ngayon.

Teka at isa pang teka! Parang gusto kong isipin na hindi na siguro dapat pang bumalik si Willie sa kanyang programa dahil parang pinalalabas niya na ang lahat ng mga programa sa Dos ay basura at ang Wowowee lang ang naghahakot ng pera. Ay, parang mali naman yata iyon!

Habang tumatagal ay lalong lumalaki ang ulo ni Willie, kasi ngayon ay “kinukunsinti” siya ng kanyang mother network. Una nang ipinakita ni Willie ang kanyang pagiging “hari” sa ABS-CBN matapos na tarayan niya noon ang paglilibing ni dating Pangulong Cory Aquino.

Sa totoo lang, naiisip kong hindi hamak na mas mabuting tao si Joey de Leon dahil hindi nangarap na magpaalis ng isang trabahador at sa halip ay tumutulong ito na dumami pa ang mga taong magkaroon ng hanapbuhay.

DATI-RATI, OKEY lang kay Marian Rivera ang balitang may anak siya. Pero nitong huli ay pikon na ang aktres at isa sa mga kaibigan nito ang nagsabing idedemanda na raw ng dalaga ang mga taong patuloy na naninira sa kanya.

“Sobra na naman kasi, wala silang tigil.” Sabi ng aming source na idinagdag pang kaya raw ayaw patulan noon ni Marian ang isyung dalagang ina siya ay ayaw niyang isipin ng mga tao na gimik iyon para sa pelikula nila ni Dingdong Dantes.

But since naipalabas na ang nasabing movie at kumita naman, kaya handa nang harapin ni Marian ang mga taong gumagawa ng mga maling balita sa kanya.

SPEAKING OF ANAK, wala ring balak magdemanda si Sam Milby sa mga taong nagkakalat na may anak na siya. (Teka, parang sa kolum ko yata lumabas ang balitang iyon, ah!)

Ayon sa aming source, hindi raw makapagdedemanda ang aktor, dahil una at higit sa lahat, bukod sa hindi mahilig sa kaso ang aktor ay totoo umano ang tsika na may anak nga siya sa nakababatang kapatid ni Uma Khouny.

SPANISH WORD ANG naka-tattoo sa gawing kanan ng tiyan ngayon ni Angelica Panganiban. Ito ang ikalawang tattoo ng aktres. Una niyang pinaglagyan ang kanyang likod.

“Maganda naman at hindi naman masagwa, ‘di ba?” Pahayag ni Derek Ramsay sa Pinoy Parazzi, na sa tingin niya, lalong naging sexy si Angelica sa tattoo na iyon.

“Actually, three months na ang tattoo na iyon at alam ko ‘yun nang ipalagay niya iyon at hindi naman ako tumutol dahil wala namang masama. Basta kung saan siya maligaya, du’n ako. Tsaka may meaning naman ang tattoo na iyon at hindi basta tattoo lang iyon,” sunud-sunod pang sabi ng binata.

Habang kausap namin sa cell si Derek, kausap naman niya si Angelica na nasa kanyang tabi kaya naririnig namin ang pagsasalita ng aktres na panay ang tawa noong hapon na iyon.

“Wala naman kasi kaming problema ni Angel dahil masaya at kuntento kami sa kung anuman meron kami,” pagwawakas ni Derek sa amin.

More Luck
by Morly Alinio

Previous articleMga Seksing Buntis!
Next articlePinoy Parazzi Vol. III Issue #304: May 11, 2010

No posts to display