PhilHealth’s Z Benefits Para sa Catastrophic Illnesses, Inilunsad

 

INILUNSAD KAMAKAILAN ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pinakabago nitong  benepisyo na tinatawag na “Z Benefits”.

Ang paglulunsad na ginanap sa Palasyo ng Malacañang ay pinangunahan nina Pangulong Benigno Aquino III, Health Secretary Erique T. Ona at Dr. Eduardo P. Banzon, Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth.

Ito ay tinawag na Z Benefit package dahil kung ating susukatin at susuriin ang lahat ng uri ng sakit mula A hanggang Z, ang mga sakit na pinagkakagastusan nang malaki ng mga pasyente dahil sa mahabang pagpapaospital at sobrang mahal na gamutan ay masasabing nasa pinakahuling letra o Z illnesses. Ito rin ang mga uri ng mga sakit na kailangang pagtuunan ng pansin. Ang nasabing pakete ay nabuo pagkaraan ng halos apat na buwang konsultasyon, pagpapalitan ng kuro-kuro, pagbisita sa iba’t ibang mga ospital, at matinding pagsusumikap.

Sa kasalukuyan, ang mga sakit na kabilang sa ‘Z benefit’ ay ang childhood acute lymphocytic leukemia (ALL), early stage ng breast cancer at prostate cancer. Ang halaga ng pakete para sa kumpletong gamutan para sa mga sakit na ito ay nagkakahalaga ng P210,000 para sa ALL; P100,000 para sa breast cancerp; at P100,000 din para sa prostate cancer.

Kabilang sa paketeng ito ang bayad sa ospital tulad ng bayad sa kuwarto, gamot at laboratoryo, operating room at bayad sa doktor para sa kabuuan ng gamutan, kabilang na ang mga obligado at iba pang mga serbisyo.

Maaaring makapag-avail sa nasabing benepisyo ang lahat ng miyembro ng PhilHealth sa ilalim ng Employed Sector, Individually Paying, Lifetime Member Program, Sponsored Program at Overseas Workers Program at kanilang mga kuwalipikadong dependents.

Ang mga miyembro naman ng Sponsored Program ay maaaring maka-avail ng Z package nang wala ng babayaran pa dahil sakop ito ng polisiya ng No Balance Billing (NBB) o “walang dagdag bayad”, samantalang ang mga miyembro naman na nasa ilalim ng ibang programa ay magkakaroon naman ng fixed co-pay. Ang fixed co-pay ay itinakdang halaga na maaaring singilin at bayaran ng miyembro maliban sa Z package ngunit hindi lalampas sa benepisyong maaaring bayaran ng PhilHealth.

Ayon kay Banzon, “Nais na-ming mapangalagaan ang aming mga non-sponsored members sa mataas na singil sa pagpapagamot sanhi ng type Z na mga sakit kung kaya’t nakipag-ugnayan kami sa mga partner providers upang maipatupad ang tama at istriktong implementasyon ng fixed co-pay.”

Ang PhilHealth ay nakipag-ugnayan sa piling reference at contracted na pampublikong ospital sa buong bansa para magpatupad ng Z benefits. Ang mga reference hospitals ang siyang magbibigay ng teknikal na serbisyo gaya ng paggawa ng isang registry hub o ‘yung tinatawag na Z Benefit Information Tracking System o ZBITS na naglalaman ng impormasyon ng pasyente at magmo-monitor ng rehistradong kaso ng Type Z, halaga ng gamutan at pagkuha ng mga pinagkasunduang mandatory services. Kabilang din dito ang paggawa ng pamantayan sa pangangalaga. Ang mga contracted na ospital naman ay nasa level 3 o 4 na pumirma ng performance commitment at sumang -ayon na magbibigay ng kabuuang de-kalidad na serbisyo para sa mga Type Z na sakit.

Ang mga reference hospital na nangakong magpapatupad ng Z benefits ay ang Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City para sa gamutan ng ALL; Jose R. Reyes Memorial Medical Center sa Maynila para sa Breast Cancer; at National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City para sa Prostate Cancer. Labingsiyam(19) na pampublikong ospital ang nakipagkasundo sa PhilHealth sa buong bansa.

Ang benepisyong Z ay direktang babayaran sa mga reference hospitals kung kaya’t ang benepisyong ito ay awtomatikong ibabawas sa kabuuang kabayaran sa ospital ng mga miyembro ng PhilHealth.

Ang end-stage renal disease at congenital cardiac disease ay ang iba pang mga sakit na maaaring maibilang sa pakete ng benepisyong Z.

“Ang mas pinagandang benepisyo ay dapat kasabay ng de-kalidad na serbisyo. Gusto nating mabawasan ang dalahin ng ating mga miyembrong may catastrophic na sakit hindi lang sa pamamagitan ng pagtataas ng ating benepisyo kundi upang masiguro ang maayos at mabilis na pag-a-avail ng kanilang benepisyo,” sabi ni Banzon.

“Ang bawat Pilipino ay may karapatang magkaroon nang mabuti at kumpletong gamutan upang sila ay matutong ma-kibaka at magpatuloy sa kani-lang pamumuhay. Hindi tama na ipagkait ang nararapat na para sa kanila. Ang Z ay hindi lamang benepisyo o katapusan ngunit magandang simula ng bagong pamantayan sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan,” dagdag pa niya.

 

 

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.