PhilHealth Umarangkada Tungo sa Kalusugang Pangkalahatan (UHC)

IPINAHAYAG NGAYON ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na puspusan ang kanilang ginagawang mga hakbang upang kagyat na makamit ang Kalusugang Pangkalahatan (UHC) sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga pinagbuting benepisyo upang maprotektahan ang mga miyembro nito laban sa patuloy na pagtaas ng singil sa pagpapagamot at pagpapa-ospital.

Ayon kay Dr. Eduardo P. Banzon, ang Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth, uunahin nila ang pagpapalaganap ng mga “primary care benefits” o pangunahing  benepisyong pangkalusugan upang ma-bigyan ang mga miyembro nito ng pangunahin at de-kalidad na serbisyo sa mga akreditong pampubliko at pribadong mga pasilidad-pangkalusugan sa buong bansa.

Sinabi ni Banzon na “nais namin na ang bawat miyembro ng PhilHealth ay may isang primary care provider, kung saan  ay makakukuha sila ng preventive at diagnostic services nang walang kaukulang bayad.” Idinagdag pa niya na kabilang sa nasabing  primary care package ay mga out-patient na gamot tulad ng gamot laban sa mataas na presyon ng dugo, diabetes at mga antibayotiko na madalas kinakailangan ng ating mga kababayan.

Gumagawa rin ang PhilHealth ng mga paraan upang palawigin ang case rates sa iba pang mga sakit para lalo pang mabigyang kaalaman ang mga miyembro nito sa halagang binabayaran ng  PhilHealth sa bawat kundisyong medikal. Ang “case rate” bilang isang paraan ng pagbabayad ng benepisyo, ay katulad ng sistemang “pakyaw”, kung saan ang lahat ng serbisyo ay kabilang na sa pakete.

Gagawin din itong insentibo upang lalo pang mapadali ang pagkakamit ng de-kalidad na panga-ngalaga sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas mataas na dagdag porsyento sa base case rate para sa mga Centers of Excellence, sa mga pasilidad sa malalayo at kanugnog na lugar, at sa mga pasilidad na nagpapatupad ng polisiyang “No Balance Billing” (o ang “Sagot Ka ng PhilHealth”).

Binigyang-diin din ni Banzon na palalawigin pa ang sakop ng NBB policy sa lahat ng mga sakit at iba pang kategorya ng miyembro, upang tunay na maranasan ng mga ito ang proteksyong pampinansyal. Sa kasalukuyan, ang NBB ay ipinatutupad lamang sa mga miyembro ng Sponsored Program kung saan kabilang ang mga maralita na natukoy sa National Household Targeting Survey for Poverty Reduction (NHTS-PR), na na-admit sa mga pampublikong ospital.

Kabilang din sa pinagbuting benefits framework ay ang pagpapadali sa mga kaukulan at  karagdagang pagmumulan ng tulong pinansiyal sa usaping pangkalusugan. Ito ay maliban pa sa payak na pakete ng benepisyo at sakop ang mga kasong katastropiko at mga karagdagang gastusin sa kalusugan ng mga pampribado at pampublikong sektor ng manggagawa.

“Habang itinataas namin ang halaga para sa ating mga miyembro, sisiguraduhin namin na ang ating mga stakeholders, lalung-lalo na ang mga employers ay magkakaroon ng sapat na panahon upang mapaghandaan ang pamumuhunan sa Kalusugang Pangkalahatan,” sabi pa ni Banzon.

Para sa mga natukoy na mga mahihirap sa NHTS, tataas ang prima mula ika-isa ng Enero 2012 sa halagang P2,400, na pangunahing binabayaran ng National Government, dahil ang pinagbuti at pinalawak na benepisyo ay kagyat na maibibigay sa kanila. Ang mga miyembro naman na kabilang sa Sponsored Program na binabayaran ng Local Government Units (LGUs) ay magbabayad ng hindi hihigit sa limampung  porsyento (50%) ng kanilang prima, samantalang ang matitira rito ay babayaran naman ng LGUs. Ang mga prima naman para sa individually paying members, at mga OFWs ay itataas din sa P2,400 sa Hulyo, 2012, subalit ang mga ito ay papayagang magkamit ng lumang prima na P1,200 kada taon kung sila ay magbabayad ng  kabuuang  prima bago sumapit ang Hulyo. “Maaari  ngang manatiling P1,200 bawat taon ang kanilang prima kung sila ay magbabayad nito para sa susunod na dalawang taon,” paliwanag ni Banzon.

Para naman sa employed sector, mananatiling tatlong porsyento (3%) ng kanilang buwanang pangunahing kita ang ikakaltas bilang prima simula Enero 2013, na may maximum na salary base na P50,000,  upang mabigyang pagkakataon ang mga employer sa mga kaukulang pagbabago na ito.

Siniguro rin ni Banzon na ang proseso sa pagkakamit ng mga benepisyo sa mga ospital at iba pang pasilidad-pangkalusugan ay gagawing madali para sa mga miyembro nito. “Inaasahan nating sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga claims electronically na kinakailangang ipatupad ng lahat ng ospital na nasa Lebel 3 at 4, sinisiguro ng PhilHealth na hindi lamang magkakaroon ng proteksyong pampinansyal ang aming mga miyembro, kundi lubos silang matutuwa sa aming ibibigay na mga serbisyo,” ani Banzon.

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.