PhilHealth, Umaksyon Laban sa Sindikato ng Katiwalian sa Prima

MAKALIPAS ANG mahigit na dalawang (2) buwan sa ilalim ng bagong pamunuan, ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ay nagbunyag na natuklasan nila at napigilan ang isang sindikato sa likod ng katiwaliang may kinalaman sa multi-milyong halaga ng prima ng isang pribadong kumpanya.

“Nakipag-ugnayan na kami sa National Bureau of Investigation at sa Anti-Money Laundering Council upang makumpleto ang pag-iimbestiga at malapatan na ng kaukulang kaso ang mga salarin,” ayon kay Dr. Eduardo P. Banzon, ang itinalagang Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth nito lamang Oktubre 17.

Ayon kay Banzon, ang premium diversion scam ay nabunyag nang makita ng mga tauhan ng PhilHealth ang hindi pagkakatugma-tugma ng mga datos sa koleksiyon sa prima habang isinasagawa ang masusing beripikasyon at pagtutugma ng mga datos ng koleksyon.

“Ang tseke para sa kabayaran sa prima ay naipalit sa isang pribadong komersyal na bangko. Ang pera ay hindi naipasok sa account ng PhilHealth kundi naikredito sa iba,” pahayag ni Banzon.

Maaalala na nitong mga nakaraang taon, mayroong halos ganitong pangyayaring natuklasan ang Bureau of Internal Revenue. Sa tax diversion scam na ito, ang mga miyembro ng nasabing sindikato, pati na ang mga kawani ng BIR at mga empleyado ng mga pribadong kumpanya na nakipagsabwatan sa mga nagkasalang opisyal ng bangko ay nahaharap ngayon sa kasong money laundering, katiwalian at falsification.

“May mga mapagsamantala kahit saan. Asahan ninyong kami ay hindi ti-tigil sa paggawa ng paraan upang maparusahan ang mga may sala. Sila ay mahuhuli at makukulong upang panagutan ang kanilang mga kasalanan,” sabi ni Banzon. “Hindi kami papayag sa anumang katiwalian, alinsunod sa polisiya ni Pangulong Aquino na “daang matuwid”.

Bilang tugon, binuo ni Banzon noong Disyembre 7, 2011 ang isang grupo na magsisiyasat sa nasabing katiwalian, at nagtalaga ito ng isang chief anti-fraud surveillance officer na siyang direktang mag-uulat sa kanya at sa Board ng PhilHealth.

Sa isinagawang im-bestigasyon, lumalabas na ang masamang gawain ay sinimulan ng sindikato noon pang taong 2009. Batay sa paunang resulta, mahigit sa P100 milyon ang na-encash sa isang pribadong komersyal na bangko. “Ang mga primang ito ay hindi nakaabot sa PhilHealth,” ani Banzon.

“Kami ay magsasagawa ng masusing pagsisiyasat upang ang mga may sala ay managot sa batas at patuloy kaming gagawa ng hakbang upang matiyak na ang perang nakalaan para sa kaseguruhan ng kalusugan ng mga miyembro ay wastong maibayad at mailagay sa kanilang mga account,” dagdag pa ni Banzon.

“Pinalakas at pinatibay rin namin ang aming pamamahala sa seguridad upang maprotektahan ang integridad ng aming database,” pahayag ni Banzon. Ang pagsasampa ng kasong administratibo ay kasalukuyan nang inihahanda habang ang pagsasampa naman ng kasong kriminal ay naipaalam na sa NBI.

Samantala, hinikayat ni Banzon ang lahat ng kumpanya na sundin ang pinaiiral na polisiya at panuntunan sa pagbabayad ng prima sa PhilHealth at agad isumbong ang anumang tangkang pandaraya sa alinman sa pinakamalapit na Service Office ng PhilHealth.

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.