PH embassy officers sa Kuwait, inireklamo ng pang-aabuso sa 2 Pinay

ILANG OPISYAL ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang inireklamo ng ilang OFWs na nasa likod umano ng labor at sex trafficking sa nasabing bansa.

Kamakailan, dumating sa bansa sina alyas “Kris” at “Sarah” mula Kuwait at isinalasyay ang ginawang pang-aabuso sa kanila, hindi lamang ng kanilang mga naging amo kundi pati ng mga opisyal ng embahada.

Sinabi ni Kris na pinasakan siya ng kutsilyo ng among babae. Inisprayan din siya ng clorox at sinabuyan pa ng sili sa kanyang ari.

Nang magkaroon ng pagkakataon, tumakas si Kris patungong embahada at nakausap ang hepe ng Assistance to Nationals Unit na si Ibrahim “Jack” Tanandato.

Ayon sa biktima, tiniyak nitong malakas ang kanyang kaso at tutulungan siyang maghain ng reklamo sa korte.

Pero makalipas ang isang taon kung saan namalagi siya sa shelter ng Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA), walang nangyari sa kanyang kaso.

Isang araw, nagulat na lang ang biktima nang sabihan siyang talo ang kanyang kaso.

Humingi si Kris ng tulong sa isang banyagang abogado. Dito aniya niya nalamang wala palang ginawa si Tanandato para umusad ang kanyang kaso.

Nanalo naman ang apela ni Kris sa tulong ng banyaga na siya ring tumulong sa kanya para makauwi sa bansa.

Pero bago pa siya makabalik sa Pilipinas, isang tauhan umano ng embahada ang nag-alok sa kanya ng ‘sex’ kapalit ng pag-uwi.

Samantala, si Sarah, tumakbo rin sa nasabing embahada matapos pagmalupitan ng among babae.

Gaya ni Kris, pinangakuan din siya ng tulong ni Tanandato.

Umabot din sa mahigit walong buwan ang paghihintay ng biktima sa OWWA shelter at habang naghihintay, ginawa aniya siyang katulong ni Tanandato.

Nadiskubre rin niyang binayaran na pala siya ng kanyang amo isang araw lang matapos niyang tumakas.

Inihayag ni Sarah na nasa 1,000 Kuwaiti Dinar ang ibinayad ng kanyang amo pero kalahati lamang ang ibinigay sa kanya ng opisyal.

Sinabi naman ni Assistant Secretary Lila Ramos-Shahani na tumutulong sa mga inabusong Pinay, kabilang sina alyas “Kris” at “Sarah” sa mga manggagawa na nagsumite na ng affidavit hinggil sa pagsisiyasat sa human at sex trafficking na isinasagawa ng pamahalaan.

Sa kabilang dako, lumalabas naman na bukod kay Tanandato, itinuro rin ng mga biktima sina dating Ambassador Shulan Primavera at mga dating Vice Consul Rea Oreta at Shiela Monedero na bahagi ng grupong nagsasamantala sa mga OFW sa Kuwait.

May ilan pang labor officers at pribadong mga indibidwal gaya ng recruiter at mga abogado ang pinangalanan.

Hawak na rin ng Department of Justice (DOJ) ang naturang ulat ng task force para sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.