Petisyon ni GMA, reresolbahin batay sa merito

TINIYAK NG TAGAPAGSALITA ng Supreme Court (SC) na merito ng inihaing petisyon ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagbabasehan ng mga mahistrado sa pagresolba hinggil sa isyu laban sa watchlist order ng Department of Justice (DoJ).

Sa November 15, tatalakayin ng en banc ang nasabing petisyon kasabay ng gagawin nilang regular session, ayon kay SC spokesperson Atty. Jose Midas Marquez.

Ginawa ni Marquez ang pahayag kasunod ng kumalat na ulat na napilitan umano si SC Chief Justice Renato Corona na ipagpaliban ang panonood nito ng live sa laban ni 8-division world champion Manny Pacquiao at kay 3-division world champion Juan Manuel Marquez sa Las Vegas, matapos malaman ang tungkol sa inihaing petisyon ng dating pangulo.Si Corona ay appointee ng dating Pangulong Arroyo.

“Those are just rumors directed at the Chief Justice. I don’t think those text messages are aimed at pressuring the Supreme Court because nothing can pressure the court,” ani Marquez.

Una rito, nagbabala rin si House Majority Leader Neptali Gonzales II sa SC na kailangang maging maingat ito sa pagtalakay sa usapin upang maiwasan ang pananaw ng publiko na “Arroyo appointees” ang korte.

“They should avoid, as much as possible, being branded as Arroyo appointees by their actions,” ayon sa mambabatas.

Una nang sinabi ni Gonzales na walang maasahang tulong mula sa kanyang mga kasamahan sa Kamara si Arroyo, na ngayon ay kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa distrito ng Pampanga.

Ipinauubaya na nila sa Supreme Court ang nabanggit na usapin, dagdag pa ni Gonzales.

Bagama’t mayroon nang travel permit mula sa liderato ng Mababang Kapulungan, hindi naman pinayagan ng Department of Justice si Arroyo na makaalis ng bansa. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.