Pera-Perang Wow Mali ang Imprenta

NAGKALETSE-LETSE NA NAMAN ang pera natin.

Hindi pa man halos nakakadapo sa kamay ng mga Pinoy ang bagong imprentang pera ng Bangko Sentral ng Pilipinas ay sandamukal na ang mga kuwestiyon sa mga nilalaman nito.

Una, iyong ibon sa P500 ay kulang ng pula’t dilaw sa buntot. Ang puwesto sa mapa ng Tubbataha Reef ay naisalpak sa maling lugar, may apat na daang kilometro ang pagkakalayo.

Iba’t ibang kuwestiyon pa t’yak ang susunod tulad din ng pagkakaimprenta nila ng “Arrovo” money.

Bakit nga ba nagkaganito ang pagkakaimprenta ng pera natin?

Ang sagot ay ito: Kung nakakita na kayo ng kumakaripas na snatcher matapos makapamitas ng alahas ng biktima, ganoon ang naging asal ng mga miyembro ng Bids and Awards Committee ng BPS na pinamumunuan ni Ginoong Juan de Zunida, Jr. bilang chairman.

Ang nag-iisa at winning bidder na Gomori, isang Japanese firm, ang nagwagi sa makina para sa gagamiting pang-imprenta ng mali-maling pera natin na posibleng habang binabasa n’yo ito ay nasa bulsa n’yo na ang ilan o kaya’y naipang-tip na ng mga batang-club sa GRO.

Ang Oventure na isang French company naman ang nakuha ng kontrata para sa pag-iimprenta.

ANG ORIGINAL DATE ng bidding para sa One Complete Line Banknote  Printing and Finishing Equipment ay July 13, 2010 subalit nailipat sa Oktubre 19, 2010.

Posibleng kaya nabalam ang proseso dahil sa transisyon ng bagong gobyerno. July 1 pa lamang nagsimula ang Aquino administration kaya hinintay na marahil ng BSP na makahupa ang pagpapalit ng pamahalaan.

US$73 million ang kabuuang budget para sa bidding na ito.

Marami pang gustong sumali sa bidding kaya may mga sumulat sa BSP para magkaroon ng extension ang schedule ng BAC.

Mula Oktubre, nag-request ang mga bidder na maging November 19 o halos tatlong linggong pagpapalawig para makakumpleto ng lahat ng requirements na karamihan ay sa foreign suppliers pa magmumula.

Pero lahat ng request ay ibinasura ng BAC kaya ang resulta, Gomori at Oventure lang ang nakakuha ng kontrata, virtually, walang kalaban sa machines at printing process.

Bakit nga ba nagmamadali gayong hindi naman inaapura ang pagpirma sa bagong pera ni Noynoy?

Ang masama, kung wala na tayong magamit na bank notes at talagang kailangan ng emergency purchase.

Pero iba ang gustong mangyari ng mga taga-BSP BAC, agad-agad ay maibigay ang kontrata kaya ganoon ang resulta, dinapurak na pera ang naimprenta.

PERO SA LAKI ng budget na mahigit pitumpung milyong dolyar, sapat-sapat na ito para makabili ng sariling printing machines ang BSP, bago na, modern pa.

Hindi natin alam ang sari-ling dahilan nina Governor Tetangc o at BAC Chairman Zuniga, mas gusto pa nilang iba ang mag-print ng pera natin gayong puwede namang sa compound na ng BSP gawin iyon.

Ito ang mas masamang balita, kung totoo ang impormasyon natin na ang mga bagong pera ay sa France pa inimprenta, lagot tayo d’yan.

Paano kung mag-imprenta ang mga foreigners ng mas higit sa requirements ng BSP?

Ibig sabihin, puwedeng kumalat ang pera natin sa buong mundo nang walang nalalaman ang Philippine government.

Alam n’yo naman ang resulta ng GATT o General Agreement on Tariff and Trade, iyong pera natin ay puwede nang palitan ng foreign currencies kung nasaan kang bansa.

Paging Commission on Audit at Senate Blue Ribbon Committee, hindi dapat makaalpas sa isyung ito sina Governor!

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion
allanpunglo@yahoo.com

loading...

2 thoughts on “Pera-Perang Wow Mali ang Imprenta

  1. Pingback: Pera-Perang Wow Mali ang Imprenta « PC3W

Leave a Reply

Your email address will not be published.