Peace Talks sa mga Komunistang Rebelde, Bigo

NABIGO ANG usaping pagkapa-yapaan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at mga komunistang rebelde.

Ito ang inanunsyo ni chief government negotiator Alex Padilla sa isang panayam ng Agence France-Presse.

Aniya, nag-iisip na ng “new approach” o bagong pamamaraan si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III upang maisulong ang kapayapaan at matigil ang karahasang kinasasangkutan ng mga rebeldeng grupo sa bansa.

Una nang tinarget ni PNoy na wakasan ang 44-taong hindi pagkakasundo ng pamahalaan at mga rebelde pagsapit ng 2016, pero imposible na itong makamit sa ngayon.

Una nang inihayag ng gobyerno at grupo ng mga rebelde noong 2011 na positibo silang maaabot ang kapayapaan matapos magkasundo sa dayalogo sa Norway na pumirma ng peace deal sa Hunyo 2012. Pero hindi na umusad ang negosasyon.

Isinisi naman ni Padilla ang kabiguan sa Netherlands-based communist group na National Democratic Front (NDF) na aniya’y humiling ng mga imposibleng kondisyon sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan tulad ng pagpapalaya sa mga naarestong rebelde.

Naging taktika na aniya ito ng mga rebelde sa mga nakalipas na dekada para subukin ang sinseridad ng pamahalaan.

Tinataya namang bumaba na sa 4,000 ang bilang ng mga rebelde mula sa 26,000 noong 1980s.

Gayunman, nananatili ang panganib lalo na sa mga rural area kung saan nagkukuta ang lawless elements at kadalasang nangingikil ng pera.

Umigting pa ang aktibidad ng mga rebelde ngayong papalapit ang halalan kung saan napabalitang nangingikil ito kapalit ng pagtiyak na hindi guguluhin ang kampanya ng mga kandidato.

Samantala, ayon sa militar, umabot sa 164 sundalo, pulis at mga sibilyan ang pinatay ng mga rebeldeng komunista noong 2012.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.