PDEA, Naalarma sa Ex-Cop na Sangkot sa Droga

IKINAALARMA NA ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na dumarami ang bilang ng dating mga alagad ng batas na nasasangkot sa iligal na droga.

Ginawa ni PDEA Director General Arturo G. Cacdac, Jr. ang nasabing pahayag kasunod nang isinagawang raid sa isang drug den sa Maguindanao nitong nakalipas na Abril 5, kung saan kabilang sa nadakip ay si PO1 Norhaya Solaiman, 29, dating babaeng police officer na nadeklarang absent without official leave (AWOL).

Ang drug den ay pag-aari ng isang Charito Carim, alias Daday, 51.

Kasama ni Carim si Solaiman nang masukol ng PDEA Regional Office Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-ARMM) sa ilalim ni Director Yogi Filemon Ruiz matapos na pagbentahan ng sachet ng methamphetamine hydrochloride o Shabu ang nagpanggap na poseur-buyer.

Narekober din sa pag-iingat ng salarin ang isang puting canister na naglalaman ng umaabot sa 46 na sachets ng Shabu, mga aluminum foil strips, limang improvised lighters at kerosene lamp na ginagamit sa paghithit ng Shabu.

Sinabi ni Undersecretary Cacdac na ang pagkakahuli kay Solaiman ay pangalawa na sa mga AWOL police officers na naaresto sa loob lamang ng tatlong araw.

Samantala, una rito, isa ring pulis na AWOL ang nahulog sa kamay ng mga PDEA operatives sa buy-bust operation sa Taguig City noong Abril 2.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.