PDEA Agent, Utas sa Pakikipagratratan sa mga Parak

PATAY ANG isang nagsisilbing Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa isang apartment sa Barangay Sta. Maria sa Zamboanga City.

Kinilala ng Zamboanga City police station 7 ang nasawi na si Joel Sacro Pitacasi, naka-assign sa lalawigan ng Tawi-Tawi at residente ng Barangay Putik ng lungsod ng Zamboanga.

Base sa report, rumisponde sa lugar ang mga pulis makaraang makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente sa lugar tungkol sa isang armadong lalaki.

Papasok na sana ang mga pulis sa apartment para magtanong tungkol sa armadong lalaki na nakitang pumasok doon nang bigla umano silang inulanan ng bala.

Dito na rin pinaputukan ng mga pulis ang salarin na nagresulta sa pagkasawi nito.

Narekober ng mga kinauukulan ang dalawang unit ng caliber .45 pistol at isang unit ng M16 rifle kasama ang mga bala sa lugar ng insidente.

Samantala, sinisiyasat pa rin ng mga awtoridad kung ano ang naging dahilan kung bakit nito pinaputukan ang mga pulis.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.