PDAF kickbacks, ibabalik ni Tuason

MULI UMANONG inulit ni Ruby Tuason ang kanyang kahandaan na ibalik ang pork barrel fund na kaniyang natanggap mula kay Janet Lim-Napoles.

Ito ang isa sa napag-usapan sa paghaharap nina Tuason at pork barrel whistleblower na si Benhur Luy sa National of Bureau of Investigation (NBI).

Sinabi ni Atty. Levito Baligod, abogado ni Luy na hindi umano bababa sa P40 milyon ang ibabalik ni Tuason na dating social secretary ni former president at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada.

Ayon kay Baligod, noong nag-uusap daw sina Luy at Tuason, makikita umano na mistulang matagal nang magkakilala ang dalawa.

Aniya, ang nasabing testimonya ni Tuason ay hindi lamang “corroborative” kundi nagpapatunay na may naganap na pamimigay ng malalaking kickbacks mula sa pork ng mga senador.

Inihayag din ni Luy na na nag-corroborate si Tuason sa kanilang mga “allegations.”

Tiniyak ni Atty. Baligod, marami pa umanong ibubunyag si Tuason sa pagharap nito sa Senate hearing sa Huwebes.

“In the affidavit of Mrs. Tuason, she reported a larger amount, so the NBI was trying to reconcile the apparent inconsistency or variance pero walang material difference, because in the statement of Benhur Luy, he admitted that sometimes, he is unable to record amounts given directly by Mrs. Napoles to Mrs. Tuason and also the amounts given at Pacific Plaza Tower.  So iyung nailista lamang, iyung natanggap ni Mrs. Tuason sa Discovery Center Suites.”

Sinasabing nagharap sina Tuason at Luy na tumagal ng mahigit tatlong oras na nag-usap sa tanggapan ng NBI-Special Task Force.

Lumalabas sa kanyang naunang sworn statement, si Luy rin ang tumukoy sa mga naging papel ni Tuason at koneksyon kay Napoles.

Sinabi ni Atty. Dennis Manalo, abogado ni Tuason na may ilang mga larawan at dokumento na bahagi ng ebidensya ang ipinakita kay Tuason para kanyang makumpirma.

Sa kabila nito, tumanggi na si Manalo na sabihin kung anu-ano pa ang ibang mga hawak na ebidensya.

Tiniyak na lamang ni Atty. Manalo na nagkatugma ang pahayag ni Tuason at Luy kaugnay ng pagkakadawit nina Sen. Jinggoy Estrada at Juan Ponce-Enrile sa PDAF scam.

Bahala na umano ang NBI na beripikahin ang accuracy ng mga ebidensya bago ito iharap sa korte.

Ayon pa rin kay Atty. Levito Baligod, abogado ni Luy, nagpapasalamat sila dahil meron na silang hawak na “direct link” sa mga inaakusahang senador.

Samantala, nang matanong si Tuason, kung ano ang masasabi ng kanyang pamilya sa kanyang hakbang na maging witness, inihayag nito na “masaya umano sila.”

Ilan sa mga nakasaad sa sworn affidavit ni Tuason kaya siya nagdesisyon na lumutang ay dahil sa nanganganib daw ang kanyang buhay.

Ang ilang mga pangalana umano na nasangkot sa scam ay kayang gumawa ng hindi maganda sa kanya at sa kanyang mga mahal sa buhay.

Si Tuason ay nahaharap sa dalawang kasong plunder sa Ombudsman.

Ang asunto ay hindi bailable offense kung saan kinasuhan siya sa PDAF scam at sa Malampaya fund scam na sinasabi sa reklamo ay tumanggap umano siya ng aabot sa P242 milyon.

Sa kanyang paglutang (umalis ng bansa August 26, 2013) at kahandaang maging testigo tatanggalin na ang pangalan niya sa mga kinasuhan pero may mga kundisyon pa ang Ombudsman.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.