PCSO, tuluy-tuloy ang tulong

PINANINDIGAN NI PHILIPPINE Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chair Margie Juico na tuluy-tuloy ang tulong ng ahensiya sa lahat ng mga charitable institutions na tumutulong sa medical at iba pang pangkalusugang pa-ngangailangan ng milyung-milyong mahihirap.

Pinahayag ito ni Juico sa isang presscon kahapon sa gitna ng mapanirang balita na ang ahensiya diumano ay nagbawas sa mga 115 na charitable institutions na tinutulungan.

“Sa katunayan, pinupuri namin ang mga charitable institutions sa pag-aaruga nila sa mga mahihirap na may karamdaman. Iisa  ang aming layunin. Kaya kami ay patuloy na magtutulungan at magsasama sa layuning ito,” giit ni Juico.

Pinaliwanag ni Juico na kung may kaunting pagkabalam ang releases ng pondo sa ibang charitable institutions, ang dahilan ay may problema ang mga ito sa liquidation ng pondong ibinigay sa kanila. “Sa katunayan, may ilang institutions na may unliquidated accounts simula pa nu’ng 2002. Ito ay labag sa kautusan ng Commission on Audit (COA) at kailangang ayusin muna bago mabigyan ng panibagong tulong,” sabi niya.

Idinagdag ni Juico na makikipag-usap sila sa mga apektadong institutions upang dinggin ang kanilang panig at paliwanag.  Binabalak din ng ahensiya na magbigay ng seminars on accounting sa mga institutions para malaman ang wastong paraan ng pagli-liquidate ng pondo na dapat gastusin lamang sa medical needs ng mahihirap.

Tungo pa sa pagpapalawak ng serbisyo ng ahensiya, ipinahayag din ni Juico na sila ay nakikipag-ugnayan sa DSWD para sa accreditation ng iba pang charitable institutions sa ahensiya.

Ipinahayag ni Juico na dinagdagan nila mula P4-M daily hanggang P11-M daily ang medical assistance para sa pasyenteng mahihirap sa bagong itinayo nilang medical at dental facility sa Lung Center. Ang bagong medical facility ay nagseserbisyo sa mahigit na 700 pasyente araw-araw. Ibinalita rin na nagtatayo na ng mga satellite offices sa buong bansa upang mapalawak ang serbisyo ng ahensiya sa mga mahihirap sa malayong lugar.

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.