PCG, handang rumesponde sa nawawalang Malaysia Airlines plane

HINDI NAGPADALA ang Philippine Coast Guard (PCG) ng barko para tumulong sa paghahanap ng nawawalang eroplano ng Malaysia Airlines simula pa Sabado ng madaling araw.

Sinabi ni PCG Spokesperson Armand Balilo na nakamonitor lamang sila ngunit handang rumesponde sakaling humingi ng ayuda ang Vietnamese Coast Guard (VCG).

Aniya, malayo sa West Philippine Sea (WPS) ang posibleng binagsakan ng nasabing eroplano.

Gayunman, bagama’t madali humingi ng tulong dahil may direktang komunikasyon ang VCG sa PCG, wala pa itong natatanggap na paghingi ng tulong.

Nauna nang ipinadala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang BRP Gregorio del Pilar ng Philippine Navy para tumulong sa search and rescue operation ng eroplanong Boeing 777-200 ng Malaysia Airlines na lulan ang 227 pasahero kabilang ang dalawang sanggol at 12 tripulante.

Tumulong na rin ang ibang bansa tulad ng Tsina, Singapore at Amerika para sa paghahanap sa nawawalang eroplano.

Bagama’t walang Pinoy na kasama sa missing na eroplano ng Malaysia, patuloy pa rin ang ginagawang berepikasyon ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon kay Spokesman Raul Hernandez, mabuti na lamang na walang pasaherong Pinoy na nakasama sa nasabing biyahe.

Umaasa pa rin si Hernandez na sana ay maging ligtas ang lahat ng mga pasahero ng eroplano kasama ng iba’t ibang nationals matapos na nawalan ng contact ang Subang Air Traffic Control sa Malaysia sa kanilang Flight MH370.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.