Payabangan sa tagayan, nauwi sa saksakan

DUGUANG HUMANDUSAY SA lupa ang isang vendor matapos tarakan ng patalim ng kanyang kainuman at kapitbahay makaraan ang isang mainitang pagtatalo habang nagtatagayan ng alak sa Calocan City, iniulat ng pulisya kahapon.

Nasa kritikal pa rin na kalagayan sa Jose Reyes Memorial Medical center sanhi ng tinamong saksak sa dibdib ang biktimang si Joseph Manuel, 19, binata at residente ng Phase 7B, Block 40, Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Samantala, patuloy pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad ang nakapugang suspek na si Mario Abalos, nasa hustong gulang at kalugar ng biktima.

Sa ulat ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Caloocan-PNP, ganap na alas-9 ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng bahay ng biktima sa naturang lugar.

Ayon sa pulisya, nasa kasarapan umano ng kanilang tagayan sina Manuel at Abalos nang magkaroon ng diskusyon sa pagitan ng dalawa hinggil sa labis na pagyayabang ng huli na marami na itong nakarelasyon at walang panama ang una sa ganda ng kanyang mga  naging nobya.

Hindi naman nagpatalo ang una at sinabihan ang suspek na mas sexy ang kanyang mga bebot dahilan upang lalong uminit ang pag-uusap na nauwi sa murahan hanggang sa bumunot ng patalim si Abalos at inundayan ng saksak si Manuel na hindi nagawang makailag dulot ng labis na kalasingan kaya nagkikisay na humandusay ang biktima sa lupa.

Kasunod nito, mabilis na tumakas ang suspek at iniwan ang naghihingalong biktima na agaran namang isinugod ng kanyang kaanak sa nabanggit na pagamutan upang maisalba bago itinawag sa pulisya ang pangyayari.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.