Paulo Avelino at James Blanco, parehong napapansing ang kahusayan sa pag-arte

NAGKAKAROON NG bagong sigla ang pagiging mga artista nina Paulo Avelino at James Blanco, na mga dating mapansin-dili sa showbiz. Hindi na ngayon dapat ma-guilty si Paulo sa pangungunsensiya noon ng mga dati niyang nakasama at mga kaibigang artista sa bakuran ng GMA 7, na baka hindi rin maging maganda ang kapalaran ng career niya kapag lumipat siya sa ABS-CBN. Kasi, biglang sumikat si Paulo dahil sa karakter niya sa teleser-yeng Walang Hanggan bilang si Nathan.

Lulubog-lilitaw dati ang pangalan ni James sa showbiz, dahil mailap ang kasikatan sa kanya. Pero nitong mapansin siya dahil sa teleseryeng Lorenzo’s Time dahil sa maganda niyang role bilang si Jonas, marami ang naka-appreciate na nakakaarte naman pala siya talaga. Nagbago na rin ang kanyang hitsura, dahil nang magkaedad siya ay mas gumuwapo pa at kina-career palang mag-gym, kaya maganda rin ang kanyang katawan. Mayroon na siyang asawa at dalawang anak, pero parang okey lang iyon sa kanyang fans, lalo pa’t hahangaan mo siya sa pagdadala ng sarili niyang pamilya.

Magaling din kasing mangiliti ng kanyang fans si Paulo, kaya hindi bumibitiw ang kanyang mga tagahanga. Bakit naman kasi ang hindi mo pagpapantasyahan ang kanyang kaguwapuhan at magandang katawan, kung ganyang may misteryo pa? May anak na si Paulo sa Kapuso star na si LJ Reyes. Pero ang maganda sa kanilang dalawa ay pareho silang madamot na mapag-usapan ang kung mag-ano pa ba sila ngayon? Kaya pati si LJ ay puwede ring pagpantasyahan ngayon ng kanyang fans, dahil bukod sa sumeksi ulit siya kahit may anak na siya.

 

WALANG DUDA na nasa bakuran ng ABS-CBN ang mga sikat na artista ngayon na mas lalo pang nagpapakulay sa mundo ng showbiz. Kahit pa madalas na pinupuntirya ng mga intriga, nagdudumilat naman ‘yung katotohanan, na magaling silang magpasikat ng mga artista na talagang artista ang dating na maihahalintulad mo raw noon sa sistema ng pagpapasikat ng Sampaguita Pictures sa kanilang mga artista, na kahit nagkaedad na ay artistang-artista pa rin ang mga kilos hanggang ngayon.

Maningning talaga sa bakuran ng Dos, kaya palaging palaisipan kung sino ang tunay na number one nilang aktor sa dami ng kanilang pinasikat. Matagal na si Piolo Pascual ang nagmarka sa publiko, na kapag sinabing Kapamilya star na sikat, una sa listahan si Piolo, lalo na nu’ng magkapareha pa sila ni Judy Ann Santos, dahil kumikita ang kanilang mga pelikula, at kinakikiligan talaga ang kaguwapuhan at kahusayan sa pagganap ng dating ka-loveteam ni Juday.

Pero sa mga panahong ito, marami ang kumbinsido na si John Lloyd Cruz na raw ang hari sa Kapamilya Network, dahil kumikitang talaga ang kanyang mga pelikula, at patok din lagi ang mga teleserye niya. Napakalayo rin ng agwat ng pagkakaiba ng mga ugali ng kasikatan nina Lloydie at Piolo. Si Piolo kasi ay may pagkamahiyain na maipagkakamali mong kayabangan o kasupladuhan, dahil parang umiiwas siya sa mga tao. Si John Lloyd naman ay mas masarap lapitan lalo na kung walang handler na kasama, dahil siyang-siya na totoong tao ang makakausap mo, na mabiro at napakasimple lang magdala ng personality. Wala siyang kaangasan.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

One thought on “Paulo Avelino at James Blanco, parehong napapansing ang kahusayan sa pag-arte

  1. Totoo ka ! Tlgang mga Sikat ang ns bakuran ng ABS at magagaling n artista in a true sense of a word!!! At isa pa ang GWAPO -GWAPO ni James ne0n ko lng xa na-appreciate ng gnito kilig ako s knya!!! at magaling umarte me angulop n kamukha nya c Piolo at magandang mgdala ng damit!!!

Leave a Reply

Your email address will not be published.